DALAGITA, 2 PA TIKLO SA P170-K SHABU

NASAMSAM ng mga awtoridad ang halos P.2 milyon halaga ng shabu sa tatlong hinihinalang drug pushers, kabilang ang 15-anyos na dalagita na-rescue sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni SMS Fortunato Candido kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong ala-6 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa A. Bernardino Ext., Brgy., Ugong ng nasabing lungsod.

Isang operatiba na nagpanggap bilang poseur buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa kanilang target na si Jayson Gonzaga, 22-anyos ng Lower Tibagan, Brgy. Gen T De Leon ng P500 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba at nakuha rito ang nasa 10 gramo ng shabu na nasa P68,000 ang halaga, marked money, P300 cash at cellphone.

Nauna rito, alas-4:30 ng madaling araw nang masakote rin ng kabilang team ng SDEU sa pangunaguna ni Lt. Doddie Aguirre sa buy bust operation sa Sitio Kabatuhan St., Compound 1, Brgy., Gen. T De Leon si John Jefferson Berza alyas “Noy”, 22-anyos, miyembro ng “Rodriguez Drug Group” ng 241 Libis Baesa, Caloocan City at kasabwat nitong dalagita.

Ayon kay Cpl Pamela Joy Catalla, narekober sa kanila ang tinatayang nasa 15 gramo ng shabu na may standard drug price P102,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 17 pirasong P500 boodle money, P350 cash, cellphone at coin purse.

Nahaharap ang naarestong mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA