DALAGITA BINARIL SA ULO TODAS

BATANGAS- PATAY ang 13-anyos na Grade 8 student na babae matapos na pagbabarilin sa ulo habang naglalakad papasok sa paaralan sa Agoncillo sa lalawigang ito.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ng pamamaril sa Barangay Banyaga bandang alas-6 ng umaga.

Sinabi ni Maj. Broderick Noprada, Officer-in-Charge ng Agoncillo Police Station, hindi inaakala ng mga tao na nasa pinangyarihan ng krimen na babarilin ng suspek ang biktima na akala ay naghahatid lang ito ng estudyante.

“Sa hindi malamang dahilan ay binaril niya ‘yung bata. ‘Yun nga ang akala kasi nila is parang naghahatid lang ng estudyante. Actually may isa nga dun na isang barangay tanod na nakabiruan pa ng suspek, kaso lang hindi niya masyadong namukhaan ‘yung suspek,” ani Noprada.

Matapos ang krimen ay tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Nakatakda namang silipin ng pulisya ang CCTV footage sa lugar at magsasagawa ng backtracking investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Sinabi naman ng kapatid ng biktima na wala silang alam na nakaaway ng dalagita at wala rin sa kanilang naikuwento.

Humihingi naman ng agarang hustisya ang pamilya ng biktima sa sinapit nito. EVELYN GARCIA