CEBU- IDINEKLARANG dead on arrival sa pagamutan isang 14-anyos na dalagita matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek habang sinasagutan ang kanyang module sa Talisay sa lalawigang ito.
Batay sa report ng Talisay Police Station, ang biktima ay nakilalang si Jacquilene Reponte, nakatira sa VH, Garces St., Barangay Cansojong ng nasabing lungsod.
Base sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas- 9:40 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Ayon sa pulisya, nakita ng nakakabatang kapatid ng biktima na habang nagsasagot ng module ang kanyang ate ay bigla na lamang pumasok ang suspek na armado ng baril at walang sabi-sabing binaril ito sa ulo.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Agad naman dinala sa Cebu South Medical Center ang biktima subalit idineklara na rin itong dead on arrival ng attending physician.
Sinabi ng pulisya, droga ang tinitingnan nilang motibo sa krimen dahil sa pagkakakulong ng mga magulang ng biktima.
Inamin naman ng ina ng biktima na nakulong siya sa kasong illegal drugs habang ang kanyang asawa ay namatay sa loob ng piitan at ngayon ay anak niyang panganay ay nasa probation dahil sa kasong illegal drugs.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para sa pagkadakip sa suspek. EVELYN GARCIA