KINANSELA ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Nicanor Faeldon ang pribilehiyo sa pagdalaw ng mga nakapiit sa lahat ng bilangguan sa bansa kabilang ang pagsasagawa ng recreational activities sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ang bagong kautusan ni Faeldon ay bunsod sa hindi matigil-tigil na pagpasok ng mga kontrabando sa kulungan sa kabila nang mahigpit na seguridad na pinatutupad sa pitong malalaking kulungan sa bansa.
Napag-alaman na mahigit sa 45,000 inmates ang nakapiit sa iba’t ibang colony sa buong bansa kabilang ang NBP na ani Faeldon ay patuloy pa rin ang pagpasok ng mga kontrabando rito.
Ayon kay Faeldon, hindi sila tumitigil sa pagsasagawa ng mga surprise inspection sa mga piitan kung saan nila nakukumpiska ang mga kontrabando.
Nauna rito, nagkaroon na sila ng kasunduan sa bawat brigade na namumuno sa mga preso na makikipagtulungan ang mga ito sa pagtuwid ng mga maling sistema sa kulungan ngunit ikinadismaya niya ang nangyayari sa kasalukuyan na naging dahilan ng kanyang kauna-unahang paglalabas ng kau-tusan sa pagbabawal ng pagdalaw sa mga bilanggo.
Aminado ang BuCor na maraming bilanggo kabilang ang mga kamag-anak nito ang magagalit sa bagong kautusan ni Faeldon kung kailan pa natapat na Miyerkoles hanggang Linggo lamang pinapayagan ang regular na pagtanggap ng mga bisita ng mga bilanggo.
Nag-ugat ang paglalabas ng bagong direktiba ni Faeldon makaraang makarating sa kanya ang impor-masyon ng PNP na ang drug convict na si Rustico Igot na kasalukuyang nakapiit sa maximum security compound ng NBP ay nagkaroon ng illegal drug transaction sa kanyang mga contact sa Cebu sa pamamagitan ng internet kung saan nakapag-video call diumano pa ito. MARIVIC FERNANDEZ