KINUMPIRMA ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na nakapagtala na ng dalawang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa dalawang bayan ng Isabela.
Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, nagpositibo sa ASF ang blood samples na sinuri ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga baboy na inaalagaan ng ilang backyard hog raisers sa bayan ng Mallig at Quirino, Isabela.
Sinabi ni DA Director Edillo na tinututukan nila ngayon ang mga lugar na apektado ng ASF lalo na ang mga nasa boundary ng Kalinga, Ifugao at Benguet na pinaniniwalaan nilang doon nagmula ang karne ng baboy na nakahawa sa mga alagang baboy sa bayan ng Mallig, Isabela.
Pero pinawi ni RD Edillo ang pangamba ng mga mamamayan sa pagsasabing hindi sila dapat maalarma dahil gumawa na sila ng paraan para makontrol ang pagkalat ng ASF sa dalawang bayan.
Araw-araw aniya na isinasagawa ang fumigation sa mga barangay na apektado ng ASF para mapuksa at hindi kumalat ang virus.
Samantala, inatasan naman ni Isabela Governor Rodito Albano na higpitan ang mga checkpoint at patuloy ang pagbabantay upang walang makapasok na mga baboy at produkto nito mula sa lalawigan ng Quirino at Nueva Viscaya. IRENE V. GONZALES
Comments are closed.