DALAWANG LINGGO PANG ECQ

Win Gatchalian

PABOR si Senador Win Gatchalian na palawigin ang “enhanced community quarantine” (ECQ) ng dalawang linggo para malaman kung epektibo at maaasahan ang resulta ng  isasagawang mass testing sa Abril 14.

Matatapos na ang ECQ sa Abril 12, bago magsimula ang naturang mass testing na kung saan ay mawawala na rin ang social distancing na posibleng magpalala pa ng sitwasyon.

Ayon sa senador, ang dagdag na panahon ng ECQ ay kailangan din upang masuri nang mabuti ang makakalap na mga resulta.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang papel ng mass testing upang malinawan ang bansa kung gaano kalaganap ang pagkalat ng virus.

Aniya, kailangan ito upang mahanap ng mga awtoridad ang mga pasyenteng kailangang sumailalim sa isolation at mabigyang prayoridad ang mga Persons Under Monitoring (PUM), Persons Under Investigation (PUI) at mga frontliners na nagkaroon ng exposure sa mga pasyenteng may COVID-19.

Magiging bahagi rin ng mass testing ang mga pasyenteng walang sintomas at patuloy sa paggala-gala na maaaring magkalat pa ng sakit.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang Iceland kung saan lumitaw sa isang laboratory mass testing na halos kalahati ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay walang nakitaang sintomas o asymptomatic.

Ayon pa sa senador, mainam at napapanahon nang gawin ang hakbang na ito upang mabawasan ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa at makatutulong ang mass testing na tukuyin kung sino ang dapat bigyang prayoridad sa mga ospital, lalo na’t limitado ang kakayahan ng mga itong tanggapin ang mga pinaghihinalaan at kumpirmadong may COVID-19.

“Kung walang mass testing, mananatili tayong bulag at patuloy lamang na kakalat ang virus. Masasayang lamang ang isang buwan na ginugol natin para sa enhanced community quarantine,” ani Gatchalian.

“Bagama’t may ilang araw na lamang ang natitira bago magwakas ang enhanced community quarantine, nakikita nating patuloy pa rin ang pag-akyat ng bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa bansa. Kaya dapat ipatupad pa rin ang social distancing habang mayroong mass testing,” paliwanag ng senador. VICKY CERVALES