MAHIGIT isang taon na ang nakalilipas matapos ang 2019 local elections noong buwan ng Mayo. Marami na ang nangyari sa ating bayan. Ang kanya-kanyang lokal na opisyal na nahalal noong nakaraang taon ay may mga programang nailatag sa kanilang mga kababayan. Ngayon naman ay may bagong hamon ang ating pamahalaan na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na solusyon. Ito ay ang COVID-19.
Subalit mayroon palang bayan sa lalawigan ng Palawan kung saan hanggang ngayon ay wala pang linaw kung sino talaga ang pinuno ng kanilang bayan. Itong gusot ay sa bayan ng Araceli sa Palawan.
May natanggap akong liham mula kay Gng. Renato Mirales kung saan idinulog sa akin ang suliranin nila sa kanilang bayan. Ayon kasi sa batas ng Comelec, kapag matapos mabilang ang lahat ng opisyal na boto at walang lumamang o parehas ang bilang ng boto, ang final decision ay sa pamamagitan ng ‘toss coin’. Ito ay kung saan ang dalawang kandidato ay mamimili parang larong ‘kara krus’ o ‘heads or tails’ sa wikang ingles. Kung ano ang lumabas sa nasabing barya matapos ihagis sa ere, ‘yun ang tatanghaling panalo sa eleksiyon.
Noong Mayo 2016 sa bayan ng Bocaue, ang magkatunggali sa pagka-mayor na sina
Joni Villanueva at Jim Valerio ay parehas na nakakuha ng 16,694 votes. Ito ay sinertipikahan ng Municipal Board of Canvassers. Kaya alinsunod sa batas ng Comelec, sila ay nag- toss coin. Pinili ni Villanueva ang ibon (tails), samantalang sa Valerio naman ay tao (head). Ang lumabas ay ibon kaya si Villanueva ay hinirang bilang mayor ng Bocaue.
Ganito rin ang naganap sa Araceli, Palawan. Ang magkatunggali na sina incumbent Mayor Sue Cudilia at Noel Beronio ay kapwa nakakuha ng bilang ng boto na 3,495, ayon sa opisyal na resulta mula sa Municipal Board of Canvassers. Sumunod din sila sa batas ng Comelec na mag-toss coin. Ang nagwagi rito ay si Cudilla. Subalit hindi ito tinanggap ni Beronio at nagsampa siya ng kaso sa Regional Trial Court sa Roxas, Palawan.
Ha?! Pumayag sa ‘toss coin’ tapos nung matalo ay nagsampa ng kaso? Nakapagtataka naman ay kinatigan ito ng husgado mula sa ibang munisipyo. Teka…teka. Ano ba ang nangyayari rito? Bakit hindi ito idinulog sa head office ng Comelec? Hindi dapat nakikialam ang korte rito hanggang walang final decision o resolution ang Comelec.
Ang kawawa tuloy ay ang mga residente ng Araceli. Hindi nila alam kung kanino sila hihingi ng tulong. Ayon sa nagbigay ng liham, naaapektuhan nang lubos ang taumbayan, lalo na sa serbisyo publiko dahil sa sigalot na ito. Maging ang mga regular na empleyado ay hindi napapasahod. Maging ang doktor at DSWD officer ay nasa ‘floating status’. Lubhang mahalaga ang papel ng mga ito lalo na ngayong may pandemya. Katunayan, bago raw malagay sa ‘floating status’ ang doktor sa bayan nila ay mahusay na naipatutupad ang mga IATF protocol at walang naitalang positibo sa COVID-19. Subalit noong humalili bilang hepe ng Rural Health Unit ang isang nurse, nagkaroon na raw sila ng apat na kaso ng COVID-19. Ilan lang daw ito sa mga bagay na dahilan kung kaya naguguluhan ang mga residente ng Araceli. Hindi nila kasi alam kung sino ang talagang punong bayan nila. Puwede ba, Comelec, pakiaksiyunan nga ito.
Comments are closed.