DALAWANG TAON PARA SA SUSUNOD NA AFP CHIEF OF STAFF

Magkape Muna Tayo Ulit

NAGBITIW ng salita ang paretirong AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na sana ang susunod na pinakamataas na pinuno ng ating Hukbong Sandatahan ay mabigyan ng mandatong dalawang taon na panunungkulan bago sumapit ang takdang taon ng kanyang pagretiro.

Si Galvez ay bababa na sa kanyang puwesto nitong ika-12 ng Dis­yembre pagsapit ng kanyang ika-56 na gulang. Lalabas na nagsilbi si Galvez bilang AFP Chief of Staff ng walong buwan lamang. Itinalaga siya ni Pangulong Duterte nitong buwan ng Abril lamang.

Ang paliwanag ni Galvez na baguhin ang tagal ng termino ng isang AFP Chief of Staff ay upang magkaroon ng patuloy na magagandang reporma. Nakikita niya na mangangailangan ng dalawang taon upang ito ay maipatupad ang mga nasabing reporma o pagsasayos ng Hukbong Sandatahan. Naniniwala ako sa panukala ni Gen. Galvez na palawakin ang termino ng chief of staff ng dalawang taon. Sa kasalukuyang ‘tsubi­bong tradisyon’, tila napagbibigyan lamang ang mga heneral na malapit o may tiwala ang isang nakaupong Pangulo kaya ito ay naitatalaga sa nasabing posisyon. Bagama’t may mga listahan na pinagpi­pilian ng isang komite ng mga heneral para sa mga kandidato sa susunod na chief of staff ng AFP, ang nakaupong Pangulo ang may huling salita o desisyon kung sino ang pipiliin nito. May punto rin na mahalaga ang ‘trust and confidence’ ng Pangulo sa kanyang AFP chief of staff. Marami kasing mahahalagang impormasyon na kailangan ay namamagitan lamang sa nasabing opisyal sampu ng mga miyembro ng gabinete.

Nagsimula itong sinasabing ‘tsubibong tradisyon’ sa pagpili ng AFP chief of staff matapos mapatalsik si Marcos. Noong panahon kasi ng rehimen ni Marcos, ang kanyang AFP chief of staff ay si Gen. Romeo Espino. Nagtagal siya ng 9 years at 212 days. Sinundan siya ni Gen. Fabian Ver na nanungkulan sa nasabing posisyon ng 3 years at 70 days.  Napalitan siya ni Gen, Fidel Ramos na nagtagal lamang ng 1 year at 39 days at ibinalik muli si Gen. Ver. Maaari pa sanang magtagal si Ver subalit nagkaroon ng 1986 EDSA Revolution at kasama siya ni Marcos na napatalsik sa puwesto. Isa ito sa mga isyu kung bakit umaklas si Gen. Fidel Ramos laban kay Marcos. Si Gen. Ramos ay nahalal na pangulo natin noong 1992.

Nguni’t mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, sa 31 na naging AFP chief of staff ng ating bansa, dalawa lamang sa kanila ang nagsilbi ng mahigit na dalawang taon. Ito ay sina Gen. Renato De Villa noong panahon ni Pangulong Cory Aquino (2 years and 363 days) at si Gen. Lisandro Abadia noong panahon ni FVR (3 years).

Maliban sa nasabing heneral, karamihan ay nagsilbi lamang ng mahigit na isang taon bago ang kanilang mandatory retirement. Ang ilan ay halos hindi pa umiinit ang kanilang puwet sa upuan ng kanilang opisina ay natapos na ang kanilang panunungkulang bilang AFP chief of staff.

Ito ay sina dating Sen. Rodolfo Biazon na nanungkulan lamang ng 78 days at si Gen. Benjamin Defensor, na kapatid ni dating Sen. Miriam Santiago, na naging AFP chief of staff ng 79 days lamang. Ang acting AFP chief of staff na si Lt. Gen. Nestor Ochoa (8 days) noong 2010 at si Lt. Gen. Glorioso Miranda (69 days) noong 2016.