DAMI NG LAMOK, KUMUSTA NA DENGVAXIA?

MASAlamin

KUMUSTA na ang mga kasong naisampa, isasampa, mga pag-aaral para sa paghahanda ng mga karagdagang kaso at mga eksaminasyon ukol sa mga biktima ng Dengvaxia?

Huwag sanang kalimutan ang pananagutan ni Noynoy kasama ang mga miyembro ng kanyang Dengate Gang ukol sa malinaw na multi-bilyong pisong scam na ito.

Tunay naman kasing tumitining at lumilinaw ang pananagutan ng gang ni Noynoy sa pagkakainiksiyon sa may 837,000 mga batang Filipino ng peligrosong Dengvaxia experimental vaccine na inisponsoran ng kanyang administrasyon.

Plunder at genocide talaga ang nararapat na kasong kinakaharap ng mga sangkot dito.

Ayon sa imbestigas­yon sa Senado: 1) alam na ng mga nagsabwatan na may ebidensiya na delikado ang Dengvaxia sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago pa man pinilit na isyuhan ito ng Certificate of Product Registration ng Food and Drug Administration na kontrolado ni Garin, 2) ang Phase 3 trial ng Dengvaxia ay hindi pa tapos kung kaya malinaw na isinugal ang buhay ng ating mga kababayan para sa sariling kadahilanan ng gang ni Noynoy, 3) mahiwagang hindi lumalabas sa mga local analyses ang mga ebidensiya na nakasasama ito sa mga seronegative at 4) ang World Health Organization ay hindi dapat inirekomenda ang Dengvaxia maging sa mga lugar na may high prevalence ng dengue.

Inamin din ng kompanyang Sanofi, manufacturer ng Dengvaxia, na bagama’t huli na, na nakasasama ang Dengvaxia para sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Kaya sa pag-aming ito, ang lahat ng nagkakasakit at namatay na mga seronegative ay kagagawan ng Dengvaxia.

Sa mismong salita na lamang ng manufacturer ay swak na sa korte ang mga ito at ang kanilang mga kinasabwat sa pamahalaan upang mapadali ang pagtuturok nito sa mga batang Filipino.

Sinabi na rin ng ekspertong si Dr. Scott Halstead na napagsabihan na ang manufacturer ng Dengvaxia sa maaaring pagdala ng health disaster nito sa bansa ngunit itinuloy pa rin at nakamamangha ang dami ng mga pinagtuturukan.

Hindi lamang Sanofi ang binalaan ni Dr. Halstead kundi maging ang mga opisyal ng DOH noon ngunit binalewala lamang ang kanyang tinuran. Inilimbag din niya sa isang international na magazine na Vaccine ang kanyang scientific findings ukol sa panganib ng pagtuturok ng Dengvaxia sa mga seronegative individuals pero dedma lang ang gang ni Noynoy.

Ngayon na sandamakmak ang mga malulupit na lamok na dala ng mga pag-ulan, at sa sunod-sunod na mga bata ang nangamamatay ay ninenerbiyos ang iba pa sa mahigit sa 800,000 pamilyang Filipino na pinagtuturukan ng Dengvaxia. Ang hinihintay ng taumbayan ay ang pagpapanagot sa batas ng mga dapat managot mula sa pamahalaan at Sanofi, at bukod sa ibalik ang pondo ng pamahalaan ay bayaran ang mga danyos ng perwisyong idinulot nito sa bawat apektadong pamil­yang Filipino na naulila at ang iba naman ay hindi mapagkatulog sa pag-aalala para sa kani-kanilang mga kaanak.

Comments are closed.