DAMI NG PORK DISHES NG PH ‘DI KAYANG PANTAYAN

MAHIHIRAPAN ang ibang bansa na pantayan ang dami ng pork dishes ng Pilipinas na naglagay rito sa  Guinness World Records nitong Biyernes sa Cubao, Quezon City.

Sa panayam kay Chester Warren Tan, presidente ng  National Federation of Hog Farmers, Inc. (NatFed),  sinabi nito na  likas na “pork eater” ang mga Pilipino kung kaya hindi nahirapang mag- isip ng mga niluto at idinisplay sa “Hog Festival”  ang  sari-saring  uri ng putahe mula sa naturang livestock galing  sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang mga participant.

Kahit simpleng adobo na nga lang  ay may iba’t iba pang variation kung paano ito niluluto, ayon kay Tan.

“Mahihirapang i-duplicate ang ibang countries sa achievement na ito ng Pilipinas dahil created galing sa iba ibang rehiyon ang mga pork dishes,”sabi ni Tan.

Aniya, hindi  pa nga nila isinama ang lechon sa naturang Hog Festival upang maiwasan ang isyu ng duplication sa mga niluluto.

Nagpasalamat naman si  Alfred Ng, vice chairman  ngbNatFed, sa lahat ng lumahok sa naturang Festival at sa pagpapakita ng ‘bayanihan spirit’ ng mga Pilipino upang matupad ang pagnanais nitong maitala sa Guinness World Records.

Kabilang, aniya, sa mga lumahok sa naturang event ang mga restaurants, independent  chefs, mga ordinaryong maybahay , at mga culinary students.

Bukod sa ibig ng grupo na makilala ang Pilipinas bilang bansa na may pinakaraming putahe ng swine sa pamamagitan ng Guinness, nais din ng Federation na matulungan ang industriya ng hog raisers, ayon kay Tan.

Sa ganitong paraan, aniya, ay maraming hog raisers ang maeengganyo na ituloy ang kanilang negosyo at livestock raising para sa food security ng bansa.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia