‘DANGER LEVEL’ NG HEAT INDEX BUMUNGAD SA ILANG LALAWIGAN

NAKARANAS ng mas mainit na temperatura o ang tinatawag na ang ‘danger level’ na heat index ang ilang lugar sa bansa sa unang araw ng Abril.

Batay sa heat index forecast ng PAGASA, umabot sa 43°C ang heat index sa dalawang lugar sa bansa.

Kabilang dito ang Aparri, sa Cagayan, at Catarman sa bahagi ng Northern Samar.

May dalawang lugar din ang tatamaan ng hanggang 42°C ang heat index kabilang ang Pili sa Camarines Sur at Zamboanga City.

Kapag umabot na sa ‘danger level’ ang heat index, posibleng mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.

Sa Metro Manila naman, posibleng umabot din sa hanggang 40°C ang alinsangan na pasok na rin sa ‘extreme caution’.

Kahapon, naitala sa Catarman, Northern Samar ang pinakamataas na heat index sa bansa na pumalo sa 45°C

Hinihikayat ng PAGASA ang publiko na uminom ng maraming tubig at manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan upang makaiwas sa sakit na dala ng sobrang init.
P ANTOLIN