DANIEL FERNANDO, NANUMPA BILANG IKA-35 GOBERNADOR NG BULACAN

DANIEL FERNANDO

INILUNSAD ni Da­niel Fernando ang kanyang prayoridad na proyekto na “The People’s Agenda 10” kasabay ng kanyang panunumpa bilang ika-35 Gobernador ng Bulacan sa ginanap na “Sabayang Panunumpa sa Tungkulin” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City ka­makalawa.

Sa kanyang talumpati, tinalakay ni Fernando ang prayoridad ng kanyang administrasyon kabilang ang kalusugan, edukasyon, kabuhayan, agrikultura, serbisyong panlipunan, imprastraktura, turismo at kultura, kapaligiran, kaayusan at kapayapaan, at mabu­ting pamamahala.

Ayon kay Fernando, magtutulong sila ng kanyang katuwang na si Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado upang ipag­patuloy ang kaunlaran ng lalawigan at magiging halimbawa siya bilang gobernador ng mga tao at lingkod ng lahat.

“On my honor and as my solemn duty to God and my country, I will listen to the call of people for good governance. Sa tulong ninyong lahat, ako si Daniel R. Fernando at ang ­aking mga kasamahan sa paglilingkod ay maninindigan para sa pinapa­ngarap nating ganap na kaunlaran at pagbabago sa lipunan. It is a social transformation based on good governance with honesty and integrity,” ani Fernando.

Pinangunahan ang panunumpa ni Fernando; Alvarado; mga Kinatawanan Jose Antonio R. Sy-Alvarado, Gavini Pancho, Lorna Silverio, Henry Villarica at Rida Robes ng una hanggang ikaapat at lone na distrito ayon sa pagkakasunod-sunod; at mga Bokal Allan Andan, Mina Fermin, Jong Ople, Pechay Dela Cruz, Ramon Posadas, RC Nono Castro, Emily Viceo, Jonjon Delos Santos, Alex Castro at Allan Ray Baluyut.

Sinimulan ni Fernando o Cesar Rami­rez sa tunay na buhay ang kanyang karera sa politika bilang isang Kabataang Barangay Chairman mula 1981 hanggang 1984, dalawang terminong bokal ng Ikalawang Distrito ng Bulacan mula 2001 hanggang 2006, at tatlong terminong pangalawang punong lalawigan mula 2010 hanggang 2019. A. BORLONGAN