DANISH FM BIBISITA SA PH

Danish Foreign Minister Lars Løkke Rasmussen (Photo courtesy of the Denmark Embassy in Manila)

NAKATAKDANG makipagpulong si Danish Foreign Minister Lars Løkke Rasmussen sa kanyang Filipino counterpart sa Manila upang palakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, kabilang ang trade at maritime affairs, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Si Rasmussen ay bibisita sa Manila sa Disyembre 9 at 10, ang unang pagbisita ng isang Danish foreign minister sa bansa sa loob ng 25 taon.

Ayon sa DFA, ang pakikipagpulong niya kay  Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ay tutuon din sa pagpapalakas ng ugnayan sa green shipping, green transition, health, financial and development cooperation, at  people-to-people links.

Bukod dito, ang dalawa ay magpapalitan din ng mga pananaw sa  regional at international issues.

“The visit underscores the 78 years of Philippines-Denmark bilateral relations and the like-minded interest to forge even stronger partnerships in future-leading sectors,” ayon sa DFA.

Si Rasmussen ay inaasahan ding bibisita sa Philippine Coast Guard, na magbibigay sa  minister ng brief overview sa sitwasyon sa West Philippine Sea.

Ang paghaharap ay inaasahang magsisilbing oportunidad upang ipakita ang  commitment ng Denmark sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan, at ng rules-based international order sa rehiyon.