DANNY LIM: ISANG MAPRINSIPYONG TAGAPAGLINGKOD NG PUBLIKO

JOE_S_TAKE

HABANG maraming mga kilalang internasyonal at lokal na personalidad ang nakaligtas mula sa COVID-19, may ilang hindi kinaya ang komplikasyong dala ng sakit na ito.

Kamakailan lamang ay napabalita ang pagpanaw ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman at dating military general na si Danny Lim. Siya ay pumanaw anim na araw  matapos na lumabas ang resultang positibo siya sa nasabing virus noong ika-29 ng Disyembre.

Ayon sa mga ulat, nagsisimula nang gumaling si Lim mula sa pagkakaroon ng COVID-19 ngunit bigla itong na-cardiac arrest noong Miyerkoles ng umaga.

Ang pangyayaring ito ang siyang patunay kung gaano kadelikado ang nasabing virus. Walang pinipili ang sakit na ito —  mayaman o mahirap, sikat o ordinaryong mamamayan man. Napakadelikado lalo ng virus na ito sa mga taong mayroong comorbidity.

Ako ay sumasang-ayon sa sinabi ng mga mambabatas na ang pagpanaw ng isang taong gaya ni Danny Lim ay isang malaking kawalan sa bansa. Si Lim ay isang masipag at mahusay na tagapaglingkod ng publiko. Nang lumabas ang balita ukol sa pagpanaw ni Lim, isa-isa namang nagpahayag ng pagkilala ang mga senador gaya nina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Risa Hontiveros, at Sherwin Gatchalian.

Lahat ng nabanggit na mga mambabatas ay nagbigay ng pagpuri at pagkilala sa dedikasyon ni Lim sa pagbibigay ng proteksiyon sa ating bayan bilang sundalo at sa kanyang kahusayan at karunungan bilang chairman ng MMDA sa kabila ng mga hamon ukol sa trapiko at transportasyon.

Si Lim ay isang magandang halimbawa ng isang matapat na tagapaglingkod ng bayan. Kaisa siya ng administrasyon ni Pangulong Duterte sa pagsugpo sa korupsiyon dahil ito ay isa sa mga pangunahing dahilan ng suliranin sa daloy ng trapiko sa bansa.

Noong nakaraang taon, sa ilalim ng pamumuno ni Lim, sa kauna-unahang pagkakataon sa 45 na taon mula nang itinatag ang MMDA, nakatanggap ito ng rating na “unqualified opinion” mula sa Commission on Audit (COA) para sa matapat at patas na presentasyob ng pananalapi nito noong piskal  na taon ng 2019.

Ang nasabing rating mula sa COA ay ibinibigay ng mga auditor matapos ang masusing pagsusuri, kung base sa sumuri ay naging patas at matapat ang presentasyon ng organisasyon sa lahat ng dokumento nito ukol sa pananalapi.

Mula sa unang araw ng kanyang pag-upo bilang chairman ng MMDA, itinuon ni Lim ang kanyang atensiyon sa mga detalye ng operasyon ng MMDA at matapang nitong hinarap ang mga mahihirap na proyekto na kinalaunan ay makatutulong sa pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.

Ang “unqualified opinion” mula sa COA ay ang itinuturing na pinakamataas na rating na maaaring ibigay ng komisyon sa isang organisasyon. Ang pagkamit nito ng MMDA noong 2019 ay patunay  na hindi napunta sa wala ang pagsisikap ni Lim.

Ang MMDA ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may responsibilidad na gumawa at magpatupad ng mga regulasyon patungkol sa trapiko sa kabuuan ng National Capital Region (NCR), na may 16 na siyudad at munisipalidad. Bukod pa rito, ang MMDA rin ang inatasang mangasiwa sa  waste management, mga programang ukol sa climate change at pag-iwas sa mga sakuna.

Ang matagumpay na implementasyon ng nasabing mga programa ay nangangailangan ng sapat na badyet upang maging maayos ang pagkuha ng mga materyales at kagamitan para rito.

Sa ilalim ni Lim, nakitaan ang MMDA ng pagsusumikap at dedikasyon sa pagtaguyod ng mas matalino at mas malinaw na paggastos sa pondo ng publiko. Ang dedikasyong ito ang naging dahilan upang kilalanin ng COA ang MMDA bilang isa sa mga matuwid na sangay ng pamahalaan  sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Bilang resulta ng pagiging tapat ni Lim sa pagtatatag ng mga reporma sa MMDA at sa iba pang ahensiyang nakakabit dito, siniguro niya na lahat ng pagbili ng materyales ay matapat at naaayon sa mga pangangailangan ng auditor ng pamahalaan.

Ang mga lider na may integridad na kagaya ni Lim ay hindi natatakot na humarap sa katotohanan. Ito ay mas kilala sa tawag na ‘reality principle’. Ito marahil ang pinakamahalagang prinispyo ng pagiging isang pinuno dahil kung ang isang pinuno ay may integridad, ito ay nangangahulugan na ang nasabing lider ay matapat. Maraming mga organisasyon at kompanya ang bumabagsak at nabubuwag dahil sa hindi pagsunod sa ‘reality principle’. Si Lim ay mayroon nito. Ang mga mahuhusay na pinuno ay hindi ikokompromiso kahit kailan ang kanilang integridad sa pamamagitan ng pandaraya.

Ang biglaang pagpanaw ni Lim ay tiyak na pansamantalang mag-iiwan ng matinding marka sa MMDA. Kailangang paghusaying mabuti ng bagong uupong Chairman ang kanyang trabaho dahil sa husay na ipinamalas ni Lim. Kailangan niyang siguruhin na ang kanyang mga programang ilulunsad ay patuloy na magpapataas sa kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Kailangan ng bansa ng mga lider na kagaya ng kalibre ni Lim upang pangasiwaan ang operasyon ng mga organisasyon na malinis sa korapsyon gaya ng MMDA. Malaking tulong ito sa pagpapabuti ng ating estado sa foreign direct investment community.

Sabi nga ni General Douglas MacArthur, “Old soldiers never die — they just fade away.” Ang linyang ito ni MacArthur ay naaangkop kay Lim.

Comments are closed.