DAPAT BA NATING KATAKUTAN ANG KONGRESO?

NASAKSIHAN ko ang ating Kongreso mula nang ito ay binago noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Tinawag ito noon bilang Batasan Pambansa at napalitan ng House of Representatives at Senate matapos mapatalsik ang rehimeng Marcos sanhi ng EDSA Revolution noong 1986.

Nakita natin ang unti-unting pagbabago sa kultura ng ating mga mambabatas. Noon ay nakikita natin ang mga magagaling at matatalinong abogado at public servant na inihalal ng sambayanan upang makatulong sa pagsasagawa ng mga batas na dapat na makatulong sa ating bansa.

Ngunit tila matapos ng mahigit tatlong dekada, parang nawawala na ang ningning ng personalidad na inihahalal sa ating Kongreso. Hindi ko nilalahat. Subalit karamihan ay nahahalal sa Kongreso dahil sa popularidad o kaya naman ay isang produkto ng tinatawag nating ‘kamag-anak incorporated’.

Kapansin-pansin sa mga nakalipas na panahon, ang Kongreso ay nagagamit bilang sandata sa mga personalidad o korporasyon. Uulitin ko, hindi ko nilalahat. Obligasyon ng Kongreso na magpatawag ng imbestigasyon sa mga isyu na nakikita nilang nakaaapekto sa ating bayan. Ang tawag dito ay “in aid of legislation”.

Isinasagawa ang nasabing mga imbestigasyon upang “malaman ang katotohanan” at gamiting batayan sa pagsasagawa ng batas upang mahinto ang mga katiwalian. Maganda. Subalit hindi kaya nasobrahan na ang kapangyarihang ito na ibinigay sa Kongreso?

Saludo ako sa ating mga mambabatas na isiniwalat ang mga isyung katiwalian tulad ng tinatawag na ‘fertilizer scam’ ni Napoles, ‘Fil-sham’, katiwalian sa pagpuslit ng droga ng kapulisan, ‘Covid-19 vaccine scam’ at marami pang iba.

Subalit may mga ilang imbestigasyon ng ating mga mambabatas na tila ginagamit sa pananakot o kaya naman ay sa pagbuwelta sa mga grupong bumabatikos sa kanila.

Tulad na lamang sa nangyayaring imbestigasyon laban sa Sonshine Media Network International o SMNI. Mukhang ang pinag-ugatan ng nasabing imbestigasyon laban sa naturang media network ay ang naiulat ng dalawa sa kanilang komentarista na umabot daw sa P1.8 bilyon sa isang taon ang nagastos ng House of Representatives sa biyahe ng mga kongresista.

Ito ay iniulat ng dalawang program anchors na sina Jeffrey ‘Eric’ Celiz at dating Usec. Lorraine Badoy. Ang SMNI at ang dalawang komentarista ay kilalang malakas na tagapagtanggol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, kinuwestiyon ng Kongreso ang prangkisa ng SMNI sa ilalim ng Republic Act No. 11422 sa pagpapalawak ng prangkisa ng SMNI. Babala ng House of Representatives na ang SMNI ay dapat mag-conform to the ethics of honest enterprise; and not use its stations or facilities … for the dissemination of deliberately false information or willful misrepresentation, to the detriment of the public interest,”. Ito ang binigyang-diin ni Parañaque City Rep. Gustavo Tambunting na pinamumunuan ang House committee on legislative franchises.

Inayudahan pa ito ni PBA partylist Rep. Margarita Nograles na nagsumite ng resolusyon upang utusan ang National Telecommunications Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng SMNI franchise holder Swara Sug Media Corp., “to immediately stop the deliberate dissemination of false information that may generate cynicism and mistrust on matters involving public interest.” Huwaw.

Hindi ko kinakampihan ang SMNI dito. Subalit tila tulad ng nangyari sa ABS-CBN, tila ginagamit ng Kongreso ang kanilang kapangyarihan upang sikilin ang malayang pamamahayag.

Mahirap talagang timbangin ang kapangyarihan ng media at Kongreso kung ang ginagamit na salita ay alang-alang sa ‘katotohanan’. Inaamin ko na may mga ibang media na binabaligtad ang katotohanan. Ganito rin minsan ang ilang sa ating mambabatas. Kayang-kayang nilang baligtarin ang katotohanan tuwing may pagdinig sa Kongreso. Magaling sila sa pagtatanong upang lumabas kung ano ang gusto nila batay sa kanilang paniniwala.

Kaya naman tila nawawala na ang tunay na diwa ng Kongreso. Ito ba ay nagagamit na sa pansariling adyenda ng ilang nasa kapangyarihan? Dapat ba silang katakutan ng lipunan? Kung ganoon, tila nalilihis na ang tunay na diwa ng demokrasya. Nagtatanong lang po.