SADYANG napakahalaga ng oras sa ating buhay. Bawat minuto, may pangyayari; bawat minuto, may posibleng mabago nang hindi inaasahan. Ang mahusay na paghawak sa iyong oras ay makatutulong ng malaki sa iyong ikatatagumpay.
Narito ang mga paraan upang mas maging epektibo sa paghawak sa iyong oras at mindset para umunlad.
- Ugaliing tumanggi kaysa umoo lamang ng umoo.
Madalas sabihin ng Usapang Payaman na huwag mong sakupin ang mga gawaing alam mong hindi mo kakayanin. Madali ang tumanggap o umoo na lamang sa bawat alok subalit kung masyado nang marami ang iyong gagawin, mas magiging madali sa iyo na tanggihan ang mga hindi naman na sasakupin ng iyong oras.
- Pag-aralang unahin ang mga prayoridad.
Ugaliing unahin ang mga bagay na dapat mong pahalagahan. Hindi makatutulong sa iyo kung sabay-sabay mong gagawin ang mga tungkuling nakaatang sayo. Mas madalas na maging palpak ang kalabasan ng bawat gawain na hindi mo bibigyan ng kaukulang atensyon.
- Manatiling kalmado.
Kung mananatili kang kalmado at hindi paiiralin ang iyong emosyon, mas makapag-iisip ka ng tama kahit nasa kalagitnaan ka ng malaking problema sa iyong negosyo. Kung hindi mo maiiwasang maging emosyonal sa isang bagay, iwasang magdesisyon agad dito. Ipagpaliban ang paggawa ng desisyon hanggang hindi mo napapakalma ang iyong sarili.
- Patayin mo ang mga bakanteng oras.
Tumingin ka sa iyong paligid, maski gaano ka kabala sa iyong gawain, marami pa rin ang nasasayang na oras o panahon sa kalagitnaan ng iyong pagtupad sa tungkulin. Halimbawa, may mga oras na naghihintay ka ng iyong ka-miting o katagpo para sa isang negosyo, maari mo itong gamitin sa ibang trabahong kaya mong gawin sa oras ng iyong paghihintay. Bawat segundo mahalaga sa ating buhay kaya’t gamitin ito sa wastong paraan.
- Bumuo ng sarili mong network.
Maraming paraan upang makabuo ka ng sarili mong network o mga kaibigan, kontak at iba pang taong maaari mong makatuwang sa anumang pagdedesisyon. Huwag manghinayang sa paglalagak ng investment sa mga taong alam mong hindi man makatutulong sa iyo ngayon at mapapakinabangan mo naman pagdating ng panahon.
- Suriin mo ang iyong sarili.
Subukan mong mag-relax. Pansamantalang lumayo sa iyong mga tungkulin. Magreflect at i-evaluate ang iyong sarili. Alamin mo kung nasa tamang daan ka pa ba para sa iyong mga pangarap. Kung tama pa ba ang iyong ginagawa. Maaari mo itong gawin, kada linggo, buwan o taon upang masuri mo kung tama pa ang iyong tinatahak o may dapat ka nang baguhin.
- Gawin mong kapaki-pakinabang ang iyong sarili.
Hindi ka dapat masanay sa kung ano ang nakasanayan. Mas makabubuting sa bawat araw ay may bago kang natututunan at naibabahagi sa ibang tao. Nakakasawa rin at sadyang nakakabobo ang paulit-ulit na routine o mga gawain mo sa pang-araw-araw na buhay. Subukan mong mag-eksperimento at sa ganitong paraan ay mas malaki ang tsansa ng iyong tagumpay.
Ugaliing makinig at manood ng USAPANG PAYAMAN sa DWIZ 882am, 2-3PM tuwing Linggo, sundan din sa FB Pages DWIZ 882 at PILIPINO MIRROR at YT DWIZ 882. Ang mga host ay sina Cris Galit, Susan Cambri-Abdullahi at Eunice Calma-Celario.