LAHAT naman tayo ay nakagagawa ng pagkakamali. Pero hindi porke’t nakagawa tayo ng pagkakamali, magmumukmok na lang tayo’t magpapaapekto. Na ititigil na lang natin ang buhay natin.
May mga estudyanteng kapag nagkamali sa eskuwelahan, nahihiya nang pumasok at nagmumukmok na lang sa bahay. Nagtatago na lang at ayaw magpakita sa mga kaklase o kaeskuwela.
Magpursige o gawin man natin ang lahat para hindi tayo magkamali, nangyayari’t nangyayaring nagkakamali tayo. May mga tao sa paligid nating hahamakin tayo kapag nakagawa ng pagkakamali, sabihin pang minsan lang iyan. Pero hindi naman maiiwasan ang mga bagay-bagay.
Hindi perpekto ang bawat isa sa atin. At kung nakagawa man ng pagkakamali, estudyante man iyan o empleyado o kahit na sino, hindi dapat tumigil ang buhay. Kaya narito ang ilang tips na makatutulong para malampasan ng estudyante o kahit na sino sa atin ang nagawang pagkakamali:
TANGGAPIN ANG PAGKAKAMALI
Importante ang pagtanggap o pag-amin sa pagkakamaling nagawa. May ilan na naghahanap pa ng masisisi. Naghahanap pa ng maidadamay.
Kung alam mo naman na nagkamali ka, hindi naman masamang aminin. Hindi naman nakababawas ng pagkatao ang pag-amin sa pagkakamali o kasalanan. Kung minsan nga, sa ginawang pag-amin, nagiging daan pa ito upang mas hangaan ka ng mga taong nakapalibot sa iyo.
Mas magiging maluwag din ang ating loob kung aaminin natin ang nagawa nating kasalanan.
MAG-ISIP NG PARAAN KUNG PAANO MASOSOLUSYUNAN
Tanggap mong nakagawa ka ng pagkakamali. Umamin ka. Pero hindi sapat ang pag-amin lang sa nagawa mong kasalanan o pagkakamali—malaki man iyan o maliit.
Matapos mong aminin ang iyong nagawa, panahon naman para mag-isip ka ng paraan kung paano ito masosolusyunan.
Mag-isip ka ng mga bagay na magiging daan upang maitama mo ang nagawa mong pagkakamali.
ISIPIN MO ANG MGA KABUTIHAN O MAGANDA MONG NAGAWA
Kapag nakagawa ng pagkakamali ang isang tao o estudyante, hindi maiiwasang makaramdam ng lungkot. Minsan pa, kung ano-ano ang naiisip na hindi maganda na nagiging dahilan ng depression. Kabataan pa man din ang kadalasang kumakaharap o nakararanas ng depression.
Oo nga’t malungkot tayo at para maibsan ito, isipin natin ang mga magagandang bagay na nagawa natin.
Sa ganitong paraan ay sasaya ang ating kabuuan at isipan. Maaari rin namang isipin mo kung ano-ano ang mga plano mo sa hinaharap. Makatutulong din ito upang maibsan ang bigat na iyong nararamdaman.
HUWAG MAGPAPAAPEKTO SA NAGAWANG PAGKAKAMALI
Hindi nga naman maiiwasang maapektuhan tayo sa nagawa nating pagkakamali. Wala namang may gustong magkamali. Pero sa kabila nito, sabihin mang malaki ang impact nito sa ating pagkatao, mas piliin pa rin natin ang mag-move on at kalimutan ang nagawa.
Oo, hindi iyan basta-basta makakalimutan ng mga taong nasa paligid natin. Pero makauusad ka sa buhay mo kung iiwanan mo ang mga bagaheng nakapatong sa iyong likuran.
Isipin din nating hindi lamang tayo ang nakararanas o nakagagawa ng pagkakamali kundi, marami sa atin.
Huwag ding kaliligtaang isipin na lahat ng bagay, may katapusan. Kaya’t kung anuman ang kinahaharap mo ngayon, matatapos din iyan. Maaayos din ang lahat.
MAGHANAP NG MAKAKAUSAP NANG MAIBSAN ANG NARARAMDAMAN
Lungkot at disappointment, iyan ang nararamdaman natin kapag may nagawa tayong pagkakamali. Isa sa makatutulong sa atin para malampasan ang pinagdaraanan natin ay ang paghahanap ng makakausap—kaibigan o kamag-anak na maaari mong mapagkatiwalaan.
Kapag may problema ang isang tao o estudyante, gumagaan ang loob nito kapag may nakakausap o napagsasabihan ng problema.
Malaki rin ang maitutulong ng paghahanap ng makakausap sa tuwing may nagagawa tayong pagkakamali para kahit na papaano ay mabawasan ang lungkot at pagkabalisang nararamdaman natin.
Iwasan din ang pagmumukmok. Mainam ang paglabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. Huwag din nating kalilimutan na sa lahat ng pagkakataon, mayroon tayong malalapitan at masasandalan. Mga taong nagmamahal sa atin at aalalayan tayo sa mga panahong malungkot at tila lupaypay.
SIKAPING HINDI NA MAULIT ANG NAGAWANG PAGKAKAMALI
Sa pagkakamali, lagi’t lagi tayong may natututunan. Pero hindi naman puwedeng magiging pabaya tayo’t hahayaan na lang nating magkamali nang magkamali.
Oo nga’t may natututunan tayo sa mga pagkakamaling nagagawa natin. Pero sa susunod, mag-ingat na tayo. Mag-ingat sa kilos o mga gagawin natin. Huwag na tayong magpabaya nang hindi na ito maulit pang muli.
MATUTONG BALANSEHIN ANG MGA NANGYAYARI SA PALIGID
Kailangan ding matuto ang bawat isa sa ating bumalanse ng mga bagay-bagay na nangyayari sa ating paligid. Hindi maiiwasan ang mga pagsubok.
Hindi nawawala ang mga problema. Pero dapat ay matuto tayong balansehin ang mga bagay na nangyayari sa ating paligid—mabuti man iyan o hindi.
Makabubuti rin ang paggawa ng journal at isulat doon ang mga natutunan sa nagawang pagkakamali.
Maging positibo lang din tayo sa kabila ng mga nangyayari sa atin, sabihin mang hindi iyan maganda. Huwag din tayong matakot na magkamali.
Hindi naman kasi naiiwasan ang pagkakamali. At sa bawat pagkakamaling nagagawa natin, siguraduhing mayroon tayong matututunan. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.