DAPAT ISAALANG-ALANG SA PAGPILI NG DAMIT NG MGA TSIKITING

KIDS WEAR

MAGANDANG bihisan ang mga tsikiting. Ang daming puwede at bagay na outfit sa kanila. Kapag binihisan natin sila, lalong lumalabas ang kanilang pagiging cute.

Nakatataba pa naman ng puso kapag nakikita nating cute na cute ang ating mga anak sa damit na ipinasusuot natin sa kanila. At kapag may pumuri pa sa kanila, lalo tayong nakadarama ng kaligayahan at pagmamalaki.

Kapag mommy nga naman, laging priority ang mga anak. Lahat ng kailangan ng mga anak ay walang pagdadalawang isip na binibili. Mamukod-tangi sa ma­raming bata, iyan nga naman ang inaasam-asam ng mga nanay.

Pero may ilang mga mommy na kung ano ang gusto nilang outfit at ano ang sa tingin nilang maganda,  iyon ang ipinasusuot sa kanyang anak. Ipinipilit pa nga kung minsan ang napi­ling outfit kahit na ayaw suotin ng kanilang anak. Nagagalit pa nga kung minsan lalo na kapag nagmaktol ang anak at ayaw suotin ang damit na gusto niyang ipasuot.

Nagiging bugnutin ang isang bata kung hindi niya gusto at hindi siya komportable sa suot niya. Imbes din na mag-enjoy, naaasar ito kaya’t ayaw kumibo. Imbes na makipaglaro, nakasimangot sa isang tabi.

Sa pagpili ng outfit na ipasusuot sa isang bata, hindi lang dapat maganda at bagay sa ating mga anak ang ipa­susuot natin sa kanila. May mga kailangan din tayong isaalang-alang sa pagpili ng outfit sa ating tsikitings at iyan ang mga sumusunod.

PAGIGING KOMPORTABLE

Hindi lamang ganda ng damit ang kailangang maging batayan sa bibilhin o ipasusuot nating damit. Dapat ay komportable ang ating mga anak kapag suot nila ito.

May ilang tela na makati at mainit sa katawan. Ang ganitong mga klaseng tela ang kailangan nating ingatan sa pagbili ng damit ng ating mga anak. Kahit naman tayong matatanda, ayaw na ayaw nating magsuot ng mga makakati at mainit , gayundin ang mga tsikiting.

Kaya bago bumili ng damit, kilatising mabuti ang telang ginamit sa paggawa nito. At tandaang hindi lang ganda ng damit ang batayan sa pagpili ng damit kundi ang pagiging kompor­table nito.

ALAMIN ANG GUSTO NG ANAK

Hindi lamang din dapat gusto natin ang isang outfit, kailangang gusto ito nang magsusuot o ng anak natin. Oo, puwedeng sabihin na­ting maganda ang damit na pinili natin, pero ang tanong ay gusto ba iyan ng anak natin?

Importante ring alamin natin ang gusto ng ating mga anak. Kahit na sabihin nating bata pa lang, mahalagang pakinggan natin sila.

KULAY

Isa pa sa dapat nating isaalang-alang sa pagpili at pagbili ng damit ay ang kulay nito.

Maraming design at kulay ng damit ang maaari nating pagpilian sa merkado. Maganda rin kung light colors ang pipiliin. Puwede rin naman iyong mga damit na may magaganda o buhay na buhay ang kulay at design.

Mahihilig sa maku­kulay ang mga bata kaya tiyak na matutuwa sila kapag maganda ang kulay ng kanilang damit. O kaya naman, tanungin ang anak kung ano ang paborito niyang kulay o gusto niyang style.

ANGKOP SA PUPUNTAHAN

Iangkop din natin sa lugar na ating pupuntahan ang damit na ipasusuot natin sa ating mga tsikiting.

Huwag din nating sosobrahan ang paglalagay ng accessories. Kailangang tama at angkop ang damit at accessories sa lugar na pupuntahan.

Bilang magulang, gustong-gusto nating inaayusan ang ating mga anak. Gusto nating mamukod-tangi sila sa paningin ng marami. Pero hinay-hinay lang sa pagbibihis sa anak, baka naman kasi magmukha na silang walking Christmas tree. CS SALUD

Comments are closed.