NAGPAHAYAG kamakailan ang pamahalaang Duterte na bubusisiin nang husto ang planong reclamation o pagdagdag ng lupain sa baybayin ng Manila Bay na isa sa mga solusyon sa paglilinis at pagsasaayos ng nasabing lugar.
Naiulat kamakailan ang pagbigay utos ni Pangulong Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG) na pag-aralan kung papaano malinis ang Manila Bay na nagmistulang tapunan ng basura ng Metro Manila at mga lalawigan ng Cavite, Rizal at Bulacan.
Dahil sobrang dumi ng Manila Bay, ipinagbabawal ng mga lokal na pamahalaan na maligo sa dalampasigan dahil nakakasama na sa kalusugan ng tao dulot ng polusyon nito.
Ang matagumpay na paglilinis at pagsasaayos ng isla ng Boracay ay maaring hudyat sa desisyon ni Duterte na isunod ang paglinis ng Manila Bay, subali’t kung ihahambing natin ang hamon upang linisin ang Boracay kontra sa Manila Bay, parang sinabi mo ang kaibahan ng inter-barangay basketball tournament sa Philippine Basketball Association.
Opo, mabigat na proyekto ang paglinis ng Manila Bay. Malaking pagpaplano, trabaho, gastos at political will ang kailangan upang masabi nating matagumpay ang nasabing proyekto.
Noong nakaraang taon na lamang, ang lungsod ng Maynila at Pasay ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) upang magtulungan sa proyektong reclamation sa mga lugar na sinasakop nila sa Manila Bay. Mukhang sumakto yata ang plano nila!
Kasama sa pribadong sektor sa reclamation project ay ang Manila Goldcoast Development Corp. (MGDC), SM Prime Holdings Inc., at ang Pasay Harbor City Consortium. Ayon sa MOA, ang MGDC ay magdadagdag ng 148 ektarya sa gawing Maynila na tatawagin na “Solar City Project”. Samantala naman, ang SM Prime Holdings Inc., ay magre-reclaim ng 360 ektarya na joint venture sa pamahalaan ng Pasay City. Ang Pasay Harbor City consortium naman ay maglalaan ng 265 ektarya na tatawagin naman nilang “Pasay Harbor City project”. Kaya may kabuuan na 773 ektarya ang madadagdag sa dalampasigan ng Manila Bay.
Para mailarawan natin ang lawak ng madadagdag sa nasabing planong reclamation sa Manila Bay, parang may tatlong Bonifacio Global Center o BGC ang sasakupin na lupain. Ang kasalukuyang BGC ay may lawak na 240 ektarya. Kaya malaking proyekto ito.
Samantala, may tumututol naman sa planong reclamation dahil ito raw ay makasisira sa ating kalikasan. Ayon sa Climate Reality Project, ang reklamasyong daw ay maapektuhan pati ang bidoversity riyan, isa sa nanganganib ay ang Freedom Island, pati ang mangroves natin diyan.
Hay naku! Heto na naman ang mga grupong walang magawa kundi tumutol sa pag-asenso ng ating bansa. Hindi ba nila nakikita na kapag gumawa ng isang reclamation ay mas mapaplano ang waste management dito?
Ang mga pabrika at ilang mga illegal settler na naninirahan sa dalampasigan ng Manila Bay ay aalisin. Sila ang isa sa malaking sanhi ng pagdudumi ng Manila Bay. Papaano maitatapon ng mga pabrika na nasa dalampasigan ng Manila Bay ang kanilang mga basura sa dagat kung ito ay lupa na?
Kung ang Freedom Island naman at mangroves sa Manila Bay ang pag-uusapan, sa lawak ng idaragdag sa Manila Bay, mas maganda pa na magplano ng isang lugar doon kung saan mas hihigit pa sa Freedom Island. Maari rin ilipat ang mga mangrove sa dulo ng reclamation site.
Isa sa pinakamatagumpay na bansa na nakinabang sa reclamation project ay ang Singapore. Dahil dito, bumulusok ang kanilang ekonomiya. Naayos nila nang husto ang mga sumunod na urban planning ng kanilang bansa.
Kasama na rito ang mga makabagong highway at pampublikong transportasyon.
Noong 1981, gumawa sila ng reklamasyon upang palakihin ang kanilang paliparan. Ngayon ang nasabing Changi International Airport ay isa sa pinakamagandang airport sa buong mundo. Noong 1991, ang maliliit na isla sa distrito ng Jurong ang pinagsama bilang isang malaking isla sa pamamagitan ng reclamation. Ang Jurong ay ang kanilang industrial estate.
Noong 1992, ang lugar ng Marina ay nadagdagan ng 890 ektarya kung saan ito ay isa sa premyadong lugar sa Singapore. Nandito ang kanilang central business district, commercial, residential at lugar para sa turismo.
Kung tama at walang korupsiyon sa planong reclamation ng Manila Bay… aasenso ang ating bansa dahil dito.
Comments are closed.