(Ni CT SARIGUMBA)
LAHAT tayo ay nag-aasam na magkaroon ng sariling bahay. Mahirap nga namang magren-ta lang nang magrenta. Mas maganda pa rin iyong magkaroon ng sariling bahay nang hindi tayo kabahan. Mahirap din kasi iyong nangungupahan lang. Puwede kang paalisin o palipatin.
Nagsisikap ang marami sa atin na magkaroon o makapagpundar ng sariling tahanan. Kaya’t ginagawa nila ang lahat ng paraan ma-achieve lamang ang nasabing pangarap.
Ngunit hindi basta-basta ang pagpapatayo ng bahay—maliit man iyan o malaki. Maraming dapat na isaalang-alang lalong-lalo na ang gagastusin at materyales na gagamitin. Nariyan din ang hitsura ng gagawing bahay. Higit sa lahat, kung sino ang kukuning maggagawa nito o magko-construct. At siyempre pa, ang lugar o lupang pagtatayuan.
Sa mga gusto o nagpaplanong magpatayo ng bahay, narito ang ilang tips na dapat na isaalang-alang:
PLANO SA ITATAYONG BAHAY
Importante ang pagpaplano sa gagawing bahay. Hindi naman puwedeng dahil gusto mong magpatayo ng bahay ay basta-basta ka na lang magdedesisyon.
Bukod kasi sa kagustuhan mong makapagpatayo ng bahay, kailangan din ang paggawa ng plano nang hindi mahirapan ang con-tractor.
Sa pagpaplano, dito papasok kung gaano kalaki ang bahay na inyong ipagagawa, mga klase ng materyales na kakailanganin, ilang kuwarto ang gagawin, saan banda ang kusina, salas, CR at kung ano-ano pa.
BUDGET SA ITATAYONG BAHAY
Masarap mag-isip o magplanong magtayo ng sariling tahanan. Ito naman kasi talaga ang pinakaaasam-asam ng marami sa atin. Gayunpaman, bukod sa plano ay kailangan ding alam mo kung magkano ang budget o nakalaang salapi sa itatayo mong bahay.
Kailangang may sapat kang halaga na nakalaan upang matapos ang iyong ipatatayo. May ilan kasing matapos na masimulan ay hindi na naitutuloy dahil naubusan ng budget.
Kaya’t matapos ang pagpaplano sa gagawing pagpapatayo ng bahay, mahalagang alam mo kung magkano ang ilalaan mong pe-ra. Siguraduhin ding sapat ang perang gagamitin nang matapos ang bahay na inyong gustong ipaggawa.
Mainam din kung may extra na budget nang kailanganin man, may magagamit.
MAGING MAINGAT SA PAGKUHA NG CONTRACTOR
Hindi lahat ng contractor ay pare-pareho ang presyo. Tiyak na mayroong mahal at may abot-kaya lang din sa bulsa.
Bago mag-hire ng contractor ay mag-solicit muna nang malaman ang presyo ng mga ito. Puwede rin namang magtanong-tanong sa mga kakilala at kaibigan kung sino ang maaaring kunin na maganda ang produkto ngunit pasok naman sa budget.
Sa pagkuha ng gagawa ng ating tahanan, kailangang isaalang-alang natin ang mga sumusunod:
- Credentials. Napakahala ng credentials ng ating builder o contractor. Pangmatagalan ang bahay na nais nating itayo kaya’t kailangang ang kukunin nating gagawa nito ay mapagkakatiwalaan at may lisensiya.
- Kalidad ng produkto. Ikalawang kailangan nating i-check ay ang produkto o nagawa na ng ating kukuning builder. Kailangang malaman natin ang kakayahan nito. Importante ang kalidad ng produktong ginawa nito. Hindi lang dapat maganda, kailangang matibay rin ito.
- Disenyo. Mahalaga rin ang design o disenyong ginawa ng kukuning contractor. Hindi naman lahat ay pare-pareho ang design sa paggawa ng bahay o building. Kaya’t para hindi magkaroon ng problema, mainam din kung titingnan ang disenyo ng builder na kukunin nang malaman kung pasok ba ito sa panlasa mo o style.
- Presyo. Hindi lahat ng gagawa ng ating bahay ay pare-pareho kung magpresyo. Kaya’t kasama dapat sa pagtutuunan natin ng pansin ang presyong hinihingi ng builder o gagawa ng bahay. Kung hindi swak sa bulsa o sa budget, maaaring maghanap ng iba na mapagkakatiwalaan at de kalidad din ang produktong ginagawa.
DON’T OVERBUILD
Magastos naman talaga ang pagpapatayo ng bahay, mula nga naman kasi sa lupang pagtatayuan nito hanggang sa mga kagamitang kakailanganin, malaki na ang kakailanganin natin.
Gayunpaman, may mga paraan pa rin naman upang makatipid sa pagpapatayo ng sariling bahay. Isa na nga riyan ay ang iwasang mag-overbuild.
Marami sa atin na paggawa nang paggawa ng kung ano-ano na hindi naman pala kailangan o magagamit.
Ito ang kailangan nating iwasan.
HINDI NAMAN KAILANGAN SUMABAY SA USO
Hindi naman din talaga maiiwasang sumabay sa uso ang marami sa atin. Sa gadget nga lang at outfit, hindi na nagpapahuli ang marami sa atin.
Pero hindi naman kailangang kung ano iyong uso, makikipagsabayan tayo o makikipag-unahan, lalong-lalo na kung magpapa-tayo tayo ng bahay.
Oo, maraming nauusong style o design ng bahay. Pero hindi naman kailangang sundin o gayahin natin iyon.
Sa pagpapatayo ng bahay, ang mahalaga ay ang style na gusto natin at hindi iyong kung ano ang uso o bago.
Sa totoo lang, napakasarap ang magkaroon ng sariling bahay. Ngunit hindi nga lang madaling makamit ang kagustuhang ito lalo na’t nangangailangan ito ng malaking budget.
Gayunpaman, sa mga nagpaplanong magpatayo ng bahay, isaalang-alang ang mga nakalista sa itaas. Maaari rin namang mag-research at magtanong-tanong sa mga kaibigan, kapamilya at kakilala nang magkaroon ng ideya sa nais gawin.
Comments are closed.