DAPAT NGA BANG IPAGBAWAL ANG LATO-LATO?

TUNAY na nakapang-aakit, kakaiba, at bunga ng mga malikhaing imahinasyon ang mga larong Pilipino.

Kahit saan ka tumingin, kapag may nauusong bagong laro, aba’y pinagkakaguluhan ito.

Minsan, nauuwi pa nga sa pustahan at bangayan. Masaya pa rin kung iisipin.

Laro lang nang laro ang mga bata bago o pagkatapos ang kanilang klase.

Sa katunayan nga, kahit pa umusok ang tenga sa galit ang mga nanay dahil madungis nang umuwi ang anak, wala pa ring pakialam ang mga bata.

Mapingot man ang kanilang mga tenga, hindi nila ito alintana.

Naaalala n’yo pa ba ang mga nausong laro noon gaya ng “laro ng lahi” na sinasabing sumasagisag sa kulturang tunay na maipagmamalaki raw natin.

Nariyan din ang patintero, larong lubid, luksong lubid (Chinese garter), tagu-taguan, trumpo at sipa.

Kasama rin sa mga sikat na tradisyunal na larong Pinoy ang bahay-bahayan, luksong baka, siyato (larong pitiw), palo sebo at jack-en-poy.

Laganap sa Visayas at Mindanao ang trumpo na nagmula pa raw sa Lanao del Sur.

Mahilig daw maglaro nito ang mga batang lalaki noong antigong panahon. Kung hindi ako nagkakamali, sa kanila rin nanggaling ang pinakamalaking trumpo sa Pilipinas na kung tawagin ay “batige.”

Noong 1990s, nagkaroon naman ng palabas na pinamagatang “Tropang Trumpo” na pinagbidahan nina Ogie Alcasid, Gelli De Belen, Michael V, at Carmina Villaroel.

Maging sa buong mundo ay kilala ang trumpo bilang “spinning top” sa Ingles, “spun tsa lin” sa Intsik at “Koma Asobi” naman sa Hapon.

Fast forward ng ilang dekada at ngayong 2023, nauuso naman ang “lato-lato” o pro-clackers sa Ingles.

Sa rami raw ng mga nahuhumaling dito, nagbabala tuloy ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa paggamit at pagbili ng ilang uri ng laruang ito.

Sabi nga FDA, hindi raw ito sumalang sa kanilang pagsusuri at walang certificate of product notification.

Nangangahulugan na hindi raw ligtas at tiyak ang kalidad ng mga laruan, lalo na sa mga paslit.

Pasok sa listahan ng FDA ang “pro-clackers” (lato-lato) na may ilaw at “lato-lato toys with handle glow in the dark latto latto toy toy tok tok old school toy etek toy lato lato makasar.”

Nag-post din ang ahensya ng public health warning advisory sa kanilang social media account na nagsasaad na posibleng magdulot ng masamang epekto sa endocrine at reproductive organs ang mga nakahalong kemikal sa mga unlabeled/unregistered na laruan.

Nasa P40 hanggang P100 ang bentahan ng kada piraso ng lato-lato, depende sa laki at klase, sa Divisoria, Quiapo, at Baclaran kung saan karamihan ay nakalagay sa plain plastic ang mga produktong ito.

Sa totoo lang, hindi ako pabor na ipagbawal ang lato-lato.

I-regulate na lamang siguro ang pagbebenta o paggamit nito at huwag namang tuluyang i-ban ito.

Kung minsan, paraan din kasi ito ng mga bata para tumakas sa kalungkutan at magulong mundo.

At sabi nga, minsan lang maging bata kaya’t huwag naman nating ipagkait sa kanila ang mga bagay na nakapagsasaya sa kanila habang musmos pa sila.

Ang mahalaga ay maipaunawa natin sa kanila ang mabuti at masama.

Sa tingin ko rin, magandang ipamana natin ang mga bago at tradisyunal na laro sa ating mga kabataang isinilang hindi lang sa atin kundi maging sa ibang bansa, dahil ang mga larong ito ay maaaring maituturing na tatak ng isang tunay na Pilipino.