DAPAT PAGHANDAANG MABUTI ANG LINDOL

NILINDOL ang Turkey at Syria na may lakas na 7.8 magnitude noong Lunes, Pebrero 6.

Maraming nasirang gusali at nagkabitak-bitak ang mga kalsada.

Ang pinakamasaklap, umakyat na sa mahigit 11,000 ang death toll.

Ito na raw ang pinakamapaminsala at pinaka-nakamamatay na lindol sa mundo sa loob ng mahigit isang dekada.

Dahil daw sa Anatolia fault belt na may apat na nakapaligid na tectonic plates, sadyang lantad ang Turkey sa malalakas na lindol.

Noong August 17, 1999, tinatayang 17,100 ang nasawi sa 7.6 magnitude earthquake sa kaparehong bansa.

Hindi biro ang nararanasang pagsubok na ito ng Turkish government.

Nangangailangan sila ng maraming rescue staffers, medical professionals at relief goods.

Habang isinusulat ko ang pitak na ito, nakatakdang tumulak patungong Turkey ang Philippine contingent na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdala ng tulong doon.

Isang 85-man personnel ang binuo para ihatid ang mga kumot, mga damit, at iba pa para sa mga apektado ng lindol.

Pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paghahanda ng search and rescue contingent ng bansa, kabilang ang mga personnel mula sa Department of Health (DOH), Philippine Army, Philippine Air Force, at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Kung hindi ako nagkakamali, tinatayang 248 mga Pilipino sa Turkey ang naapektuhan ng kalamidad.

Magandang balita raw na walang naiulat na Pinoy na nasawi o nasugatan sa malakas na paglindol.

Ang lindol ay parang magnanakaw na dumarating nang hindi mo inaasahan.

Bigla na lang nagkakaroon nang paggalaw ng mga lupa sa ilalim ng mundo na nagdudulot ng kasiraan sa ating kapaligiran.

Kabilang naman ang Pilipinas sa mga bansang nasa Pacific Rim o mga lupang nasa paligid ng Pacific Ocean.

Lahat ng mga nasyon na nasa lugar na tinukoy ay tiyak na makararanas ng mga paglindol at pagputok ng bulkan anumang oras o araw.

Hindi nakapagtataka na bigla na lang may sumasabog na bulkan at yumayanig ang lupa.

Ang pinakamagandang magagawa ay paghandaan ang pagsapit ng mga ganitong sakuna.

Sa totoo lang, marami nang lindol ang naganap sa bansa at karamihan ay tila hindi napaghandaan ng lahat.

Ang mga nangyari sa Visayas at Mindanao na ang pinakahuli ay sa Davao de Oro ay maliit na porsiyento lamang kung ikukumpara sa nangyari noong 1970s at 1990s.

Noong Hulyo 16, 1990, isang 7.7 magnitude na lindol ang tumama sa northern Philippines na ikinamatay ng 5,000 katao na nagdulot ng grabeng pagkasira at pagkamatay ng maraming mamamayan.

Isang siyam na palapag na hotel ang gumuho sa lungsod ng Baguio habang nawasak din ang siyudad ng Dagupan sa Pangasinan.

Maraming nag-panic at namatay dahil hindi napaghandaan ang pag-uga ng lupa.

Isang 7.9 magnitude na lindol naman ang tumama sa Mindanao noong Agosto 17, 1976 na ikinamatay ng tinatayang 8,000 katao.

Wala talagang makapagsasabi kung kailan sasapit ang lindol at tsunami.

Kaya nawa’y magpatuloy ang earthquake drills ng mga ahensiya ng gobyerno.

Mas maigi nang may nagagawa tayong preparasyon para sa kaligtasan ng mamamayan kaysa wala.

Madalas kasi, kapag may nangyari nang paglindol at marami nang napinsala o namatay, saka pa lamang kikilos o ipag-uutos na magkasa ng drill.

Bulod dito, mahalaga ring maglaan ng pondo para sa mga makinarya na pang-rescue at panghanap sa mga natabunan o naguhuan.

Aba’y importante sa Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang ahensiya ang pagsasanay sapagkat sunog pa naman ang kadalasang kasunod ng lindol.

Nararapat ding paghandaan ang posibleng pagtama ng tsunami na nangyayari pagkatapos ng pagyanig.

Tandaan na ang pagsisisi ay laging nasa huli.