DAPAT PAIGTINGIN ANG POLICE VISIBILITY NGAYONG ‘BER’ MONTHS

HINDI pa tapos ang kalbaryo ng mga mamimili dahil posible pang magtaasan ang presyo ng mga bilihin.

Mabilis pa rin daw kasi ang pagtaas ng halaga ng prime commodities at serbisyo na kung tawagin ay inflation.

Dahil sa dalawang magkakasunod na bagyo noong nakaraang linggo, tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo ngayong “ber” months.

Lagi namang may panlaban daw ang gobyerno sa mga ganitong pangyayari.

Nariyan ang pag-aangkat ng bigas, isda, at asukal para mapababa ang presyo ng mga ito sa merkado.

Ang nahihirapan naman sa ganitong sitwasyon ay ang mga lokal na magsasaka.

Hindi stable ang presyo ng gulay na kung ang Department of Agriculture (DA) ang tatanungin, dahil lang daw ito sa pagkasira ng mga pananim bunsod ng mga nagdaang kalamidad sa mga probinsya.

Ngunit nagsimula na ang “ber” months kaya inaasahang makatutulong daw sa ating ekonomiya ang tinatawag na “Christmas spending.”

Sasandal lang daw ang local exporters sa holiday consumption para mapanatili ang nararanasan nilang revenue growth ngayong taon.

Sa general meeting ng industry group, binanggit ni Philippine Exporters Confederation Inc. (Philexport) President Sergio Ortiz-Luis Jr. na kumpiyansa silang makatutulong sa kanila ang holiday season.

Batay kasi sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang exports noong katapusan ng Hulyo ngayong taon ay lumago ng 19.7 porsiyento o sumampa sa $42.39 bilyon mula sa $35.41 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Mas malaki ang halaga ng mga naipadalang electronics sa labas ng bansa na sumampa sa $23.96 bilyon mula sa dating $20.45 bilyon kung saan malinaw na nagkaroon ng 17.1 porsiyentong paglago.

Ang mga nangunguna namang trading partners ng Pilipinas ay ang China, Estados Unidos, Hong Kong, Japan at Singapore.

Kaya isinusulong ni Ortiz-Luis ang pagkakaroon ng mas maiging ‘movement of goods’ upang mapaangat ang kanilang produksiyon dahil ang laging dinadaing ng mga importer ay ang vessel shortage.

Sa kabilang banda, sa aking palagay, marami pa ring dapat tutukan ang gobyerno at hindi lamang ang revenue growth ng mga exporter.

Tiyak na magiging laganap na naman ang petty crimes lalo na ngayong sumapit na ang “ber” months.

Sa panahong ito, namumutiktik ang panloloob sa mga establisimiyento, nakawan, holdapan, panghahablot ng cell phone o alahas, at iba pang pang mapakikinabangan ng mga kawatan.

Aba’y sa ganitong panahon din kasi nagkakaroon ng 13th month pay at Christmas bonus ang mga empleyado.

Dahil maraming walang trabaho at tambay, tiyak na madaragdagan pa ang bilang ng mga biktima.

Bagama’t may restrictions pa rin dulot ng COVID-19 pandemic, hindi pa rin nawawala ang mga mandurukot, manggagantso, salisi, at isnatser.

Naniniwala ako na magpapakalat pa ng maraming pulis si Phil. National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar sa mga pampublikong lugar o sa mga karaniwang maraming tao sa Metro Manila, tulad ng Divisoria, Quiapo, at Baclaran.

Hindi rin dapat mawawalan ng mga pulis sa mga sakayan ng dyipni o taxi dahil karaniwang umaatake sa mga lugar na ito ang riding-in-tandem criminals.

Ang siste ng mga kawatan, kapag may nakitang nagti-text o tumatawag sa cell phone, agad na lalapitan at aagawin ang gadgets saka haharurot.

Kung minsan, nananaksak pa sila at namamaril kapag nanlaban ang biktima na talagang nakapanghihilakbot.

Kaya higit sa pagpapatupad ng health protocols para malabanan ang COVID-19, mahalagang nariyan lagi ang mga alagad ng batas para protektahan ang mamamayan laban sa mga masasamang damo sa lipunan.

136 thoughts on “DAPAT PAIGTINGIN ANG POLICE VISIBILITY NGAYONG ‘BER’ MONTHS”

  1. 556751 549918Does your web site have a contact page? Im having trouble locating it but, Id like to send you an email. Ive got some suggestions for your blog you might be interested in hearing. Either way, wonderful weblog and I appear forward to seeing it develop more than time. 600837

Comments are closed.