SA kasalukuyan, sumipa na ng mahigit sampung libo ang mga bagong kaso ng Covid-19 sa bansa. Wala pang isang buwan ang nakararaan kung saan may dalawang daan na bagong kaso lamang ang naitala noong Disyembre ng nakaraang taon. Nakagugulat at nakakatakot ang pagbulusok ng bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19 ngayon. Sa katunayan, mga malalapit na kaibigan at kamag anak, kasama na ang kanilang pamilya ang kasalukuyang nagpositibo sa nasabing sakit.
Ang kakaibang bilis ng hawa ng sakit na ito ay hindi lamang dito sa ating bansa. Halos ang buong mundo ay nakararanas ng tinatawag na pagkalat ng bagong Covid-19 Omicron variant na tinatawag na “super spreader” na sakit. Sa U.S. na lamang, pumalo ng 1 million ang naitalang kaso ng Covid-19 sa isang araw lamang. Halos ganito rin ang nangyayari sa mga bansa sa Europa at Asya.
Ang magandang balita naman dito ay tila ang Omicron variant, bagamat mabilis kumalat sa pagkahawa ng sakit, ito ay hindi kasing grabe ng orihinal na Covid-19 o yung sinasabing Delta variant na maaaring umabot sa kritikal sa kalagayan ng buhay o kaya ay nakamamatay. Marami nga ang nagsasabi na ang Omicron variant ay parang kapatid lamang ng ordinaryong sipon at ubo subalit may tatak ng Covid-19 lamang. May pag-aaral din na maaaring hudyat ang pagkalat ng nasabing sakit upang magkaroon ng malawakang ‘herd immunity’ kung saan lalakas na ang resistensya ng ating katawan laban sa nasabing virus.
Ganun pa man, ang problema ngayon, hindi lamang sa ating bansa kung hindi halos lahat sa bunong mundo, ay ang malawakang pagpila at kaguluhan sa pagkuha ng RT-PCR o antigen test upang malaman kung positibo o negatibo sila sa Covid-19.
Dito sa atin, polisiya pa rin ng DoH na ang mga antigen tests ay isagawa pa rin ng mga kwalipikadong health worker at hindi maaring magsagawa ng home test o tayo mismo ang bibili ng antigen test kit at isagawa ang pagsusuri sa ating tahanan. Ayon sa DoH, baka mas gugulo raw ang datos ng maitatala ng ating pamahalaan sa kada araw sa mga positibong kaso ng Covid-19. Dagdag pa rito ay ang posibilidad na maling pamamaraan ng pagsusuri gamit ang antigen testing kits at magkaroon ng ‘false negative’ o ‘false positive’ na maaaring magkalituhan sa hawahan ng mga indibidwal.
May punto ang DoH dito. Subalit hindi ba mas mahirap kapag ang mga pasyente ang mapipilitang dumagsa sa mga ospital at testing centers at doon pa lalo lumala ang hawahan ng mga tao? Kakaiba ang bulusok o surge ng hawaan ng Omicron variant.
Tulad ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, mas gusto niya na mas may access ang mga tao sa antigen test kits na maaaring madaling mabili sa botika imbes na pahihirapan ang mga tao na pumila sa mga laboratoryo o testing centers.
Sa Britanya at sa Israel, nirerepaso na rin nila ang kanilang polisiya sa pagsusuri ng kanilang mga kababayan laban sa Covid-19 dahil nga sa kasalukuyang sitwasyon. Hindi na kinakailangan ng pagkumpirma sa pamamagitan ng RT-PCR kapag nagpositibo na sa antigen test.
Palagay ko ay ganito na rin ang gawin ng ating pamahalaan upang mabawasan ang pagdagsa ng ating mga kababayan na pumila sa mga ospital. Sa antigen test naman, palagay ko na sa isang maganda at maayos na impormasyon sa pamamagitan ng media sa tamang paggamit ng anti-gen home test kit, malaki ang maibabawas ng mga tao na lalabas at pipila sa mga testing center.
Maliban diyan ay makatutulong din tayo sa mga kababayan natin sa pagtitipid. Ang presyo ng isang antigen test kit kapag binili mo sa botika ay P350 hanggang P400. Samantalang kapag ikaw ay nagpa-test sa isang laboratoryo, sisingilin ka nila ng P750 hanggang P1000. Araykupo!