(Ni CT SARIGUMBA)
HINDI madali ang magkasakit. Nakasasagabal ito sa ating mga gawain—sa tahanan gayundin sa opisina.
Pero sabihin mang pinag-iingatan nating mabuti ang ating katawan nang hindi magkasakit, nangyayari pa rin iyong dinarapuan tayo. At isa nga sa sakit na usong-uso ngayon ay ang sipon.
Pangkaraniwang sakit na ang sipon at kahit na sino ay maaaring dapuan nito. Kaakibat ng nasabing sakit ang mga sintomas gaya ng pagkakaroon ng bara ng ilong, tuloy-tuloy na pagtulo ng sipon at pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan gaya na lang ng ulo, lalamunan at kalamnan.
May iba’t ibang dahilan kung bakit nagkakasipon ang tao, ngunit ang pinakakaraniwan sa lahat ay dulot ng impeksiyon ng cold virus. At nang matulungang mapabilis ang pagginhawa ng pakiramdam, narito ang ilang simpleng tips na na kailangang isaalang-alang kapag may sipon at ubo:
HUWAG BALEWALAIN ANG SIPON AT UBO
Marami sa atin ang binabalewala ang sipon lalo na kung hindi pa naman malala o nagsisimula pa lamang.
Oo nga’t kusang gumagaling ang sipon ngunit ibig sabihin nito ay hahayaan na lang natin at babalewalain.
Kapag binalewala natin ang sipon, tiyak na magiging sagabal ito sa atin lalo na sa pagtapos ng ating mga gawain.
Kailangan pa ring alagaan ang sarili. Kaya sa simula pa lang ng sintomas ay gawin na ang mga dapat gawin gaya ng pagpapala-kas ng immune system at iwasan ang mga bawal.
UMIWAS SA STRESS
Isa ang stress sa kailangan nating iwasan lalo na’t may sakit tayo o mayroong sipon.
Nakapagpapahina kasi ng resistensiya ang stress.
Kadalasan ay naaapektuhan ng stress ang immune system.
Kapag nangyari ito ay maaaring magtagal nang husto ang sipon na nararanasan.
HUWAG KALILIGTAANG UMINOM NG MARAMING TUBIG
Kailangan din siyempreng uminom ng maraming tubig tuwing may sakit o sipon ang isang tao. Napakaraming benepisyo o ka-gandahang naidudulot ang pag-inom ng maraming tubig. At isa rin ito sa nakapagpapahupa ng sipon o nakapagpapagaling ng nasa-bing kondisyon.
Kaya naman, ugaliin na ang pag-inom ng maraming tubig nang maiwasan ang kaliwa’t kanang sakit na nagkalat sa paligid.
VITAMIN C
Importante rin ang pagkahilig sa mga pagkaing mayaman sa Vitamin C nang kaagad na lumusog at lumakas ang resistensiya.
Hindi lamang din kapag mayroong sakit dapat kahiligan ang Vitamin C kundi sa bawat araw na nakikipagsapalaran tayo sa mundong ibabaw.
Ibig lamang sabihin, araw-araw ay kasanayan na natin ang mga pagkaing mayaman sa Vitamin C nang mapanatili nating ma-lusog ang ating pangangatawan.
SALTWATER GARGLE
Isa pa sa mainam gawin kapag may sipon at ubo ay ang pag-gargle ng maligamgam na tubig na may halong asin. Ang paraang ito ay nakaiiwas sa pamamaga ng lalamunan at nakaaalis ng germs.
Gawin ang prosesong ito ng apat na beses sa araw-araw nang mawala ang pangangati ng lalamunan.
PAG-INOM NG HOT TEA
Mainam din ang pag-inom ng hot tea kapag may sakit nang gumanda ang pakiramdam. Bukod sa chicken soup, mainam din ang pag-inom ng hot tea. Nakatutulong din ang tea para mapanatiling hydrated ang katawan.
Sa pagpili naman ng tea, mainam na kahiligan ang black at green teas dahil nagtataglay ito ng disease-fighting antioxidants.
MATULOG NANG SAPAT
Mahalaga rin siyempre ang tamang pahinga upang kaagad na gumaling sa dinaramdam o sakit. Kaya kung may sakit, ugaliin ang pagtulog ng sapat nang makabawi ang katawan at lumakas kaagad.
Huwag sasagarin ang sarili o pipiliting magtrabaho dahil lalo ka lang na magkakasakit. Hindi nga naman maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Kaya’t maging handa tayo sa anumang panahon.
Comments are closed.