DAPAT TANDAAN KUNG BIBIYAHENG MAY KASAMANG BATA

VACATION WITH KIDS

(ni CT SARIGUMBA)

SA panahon nga naman ngayon, nakaplano na ang karamihan sa ating mga gagawin. Gaya na nga lang ng pamamasyal o pagba-bonding kasama ang mga mahal sa buhay, pagtungo sa mga kilalang restaurant o kaya naman, ang pagbabalik-tanaw sa nakaraan sa pamamagitan ng pagtu­ngo sa mga museum at iba pang lugar na ipinagmamalaki at dinarayo ng ating mga kababayan, gayundin ng mga turista.

Sa katunayan, hindi nga naman natin kaila­ngang lumayo pa para lamang makapag-relax at makasama ang ating mahal sa buhay. Sa Metro pa lang ay napakarami na na­ting puwedeng puntahan na talaga namang ikatutuwa ng bawat miyembro ng pamilya.

At kapag nagplano tayo, hindi siyempre puwedeng mawala ang mga bata. Laging kasama sa a­ting  plano ang mga tsiki­ting—anak man iyan, kapatid, pinsan, pamangkin o anak ng kaibigan.

Kung mayroon nga namang higit na nasisiyahan sa gagawing paglalakbay, iyan ang mga bata. Kaya naman sa mga bibi-yahe ngayong holiday na may kasamamg bata, narito ang ilang simpleng tips na puwedeng isaalang-alang nang maging stress-free ang gagawing bonding o pamamasyal:

PAGSUOTIN NG KOMPORTABLENG DAMIT ANG MGA BATA

Isa nga naman sa dapat nating tandaan kapag mamamasyal o magba-bonding kasama ang pamilya at may kasamamg bata ay ang pagpili ng akmang damit na susuotin.

Minsan, ganda ang tinitingnan natin sa isang damit at hindi ang pagi­ging komportable nito. May mga damit na magan-dang tingnan pero kapag isinuot naman ay makati o mainit sa katawan.

Sa ganitong mga panahon, napakahalagang naisasaalang-alang natin ang klase o uri ng damit na ipasusuot sa ating mga anak o tsikiting nang mag-enjoy sila. Kung makati o mainit sa katawan ang suot nilang damit, maaaring mainis sila o maging bugnutin.

Kaya naman, ngayong holiday ay maging mai­ngat sa ipasusuot na damit sa mga bata. Tiyaking maayos at maganda ang tela nito, hindi makati at mainit nang ma-enjoy nila ang naturang pagtitipon o pamamasyal.

Bukod din sa pagi­ging komportable ng damit, isaaalang-alang din kung akma o tugma ang damit sa pupuntahang okasyon o lugar.

MAGBAON NG PAGKAIN AT INUMIN PARA SA MGA BATA

Isa pa sa dapat nating tandaan ay ang pagbabaon ng maiinom at makakain ng mga bata. Madaling magutom at mauhaw ang mga bata kaya’t napakaimportanteng lagi tayong handa.

Kahit biskwit o cookies lang at tubig o juice ang dalhin ay swak na.

Sabihin man kasing may makakainan tayo sa pupuntahang lugar, marami pa ring pangyayaring puwede nating makasal-amuha sa daan nang hindi natin inaasahan. At isa nga riyan ay ang nakakainis na traffic.

Kaya naman, huwag kaliligtaang magdala ng makakain at maiinom ng mga bata— malapit man o malayo ang inyong pu-puntahan.

MAGDALA LAGI NG PLASTIC AT WET WIPES

Gaya nga ng sinabi natin kanina na maaari tayong makasalamuha ng mga bagay na hindi inaasahan, isa pa sa kailangan nating tandaan sa tuwing lalabas ng bahay at may kasamang bata ay ang pagdadala ng plastic at wet wipes.

Habang bumibiyahe, maaari kasing mahilo o masuka ang mga bata. At kung wala kang plastik at wet wipes, malaking problema ang kahaharapin mo.

Bilang mga nanay, mahalaga ang pagdadala ng plastik at wet wipes para laging handa sa kahit na anong pagkakataon.

MAGDALA NG PAMALIT NA DAMIT

Alam naman nating makukulit ang mga bata. Laro dito, laro doon. Takbo riyan, takbo roon. At para maging presentable at maayos pa rin ang hitsura ng mga ito kahit pa walang kapaguran sa kalalaro, ugaliin ang pagdadala ng ekstrang damit nang may pampalit ang mga tsikiting.

Nayong holiday, mas magiging masaya at katangi-tangi ang pagtitipon kung walang aberyang mangyayari. Kaya naman, isaalang-alang ang mga simpleng paraan na ibinahagi namin sa inyo lalo na kung may pupuntahan o bibiyahe na may kasamang bata. Mabuti na nga naman iyong handa. (photos mula sa babyexpo.ph, kiddit.com, unclogblog.com)

Comments are closed.