DAPAT TANDAAN KUNG MAGLALAKBAY NGAYONG TAG-ULAN

LAKBAY-1

MAULAN ang paligid at kaysarap na lang na magkulong sa kuwarto at humilata. Nakatatamad nga naman ang gumalaw-galaw kapag ganitong malamig ang panahon. Pero may ilan sa atin na mahilig mamasyal kapag tag-ulan. At sa mga mahihilig gumala ngayong basa ang paligid, narito ang ilang dapat tandaan:

MAGDALA NG GAMOT

lakbay-3Maaaring dapuan tayo ng sakit ngayong malamig ang panahon. At para maging handa, huwag kaliligtaan ang pagdadala ng gamot lalo na kung maglalakbay. Mainam din ang pagdadala ng repellents para maprotektahan ang sarili laban sa mga insektong nagkalat kapag tag-ulan.

PILIIN ANG MGA DAMIT NA MADADALING MATUYO

Siyempre, kapag nagliliwaliw ay hindi puwedeng mawala ang mga damit. Isa nga naman ang kasuotan sa unang-una nating pina-pack kapag aalis tayo at magtutungo sa ibang lugar. Dahil malamig at maulan ang paligid, magandang opsiyon ang pagdadala ng mga damit na madadaling matuyo.

Sa pamamasyal, hindi maiiwasan na mabasa tayo. Kapag basa ang damit, nagkakaamoy ito na nagiging sanhi ng problema natin. Kaya para maiwasan, piliin ang mga synthetic clothes o ang mga damit na madaling matuyo.

ALAMIN ANG LAGAY NG PANAHON

Kung aalis din o magta-travel, makabubuti kung aalamin ang lagay ng panahon nang hindi magkaproblema at madelikado ang sarili at kalusugan.

Oo nga’t masarap ang mamasyal at magtungo sa iba’t ibang lugar. Pero kung ikapapahamak naman, iwasan o ipagpaliban ito.

IWASAN ANG PAGPUNTA SA MABABABANG LUGAR

Iwasan din siyempre ang pagtungo sa mga lugar na mabababa o iyong mga parte na madaling bahain. Bukod sa kagustuhan nating mamasyal, isa rin sa dapat nating isaisip ay ang ating kaligtasan. Mahirap naman iyong para makarating sa lugar ay mapapahamak ka naman. Paano ka makapagsasaya?

MAGBITBIT NG BOARD GAMES

Dahil na rin sa mau­lan, kung minsan ay kinatatamaran natin ang paglabas ng hotel. Oo nga’t nakarating na tayo sa destinasyong napili natin. Pero dumarating din ang pagkakataong mas ginugusto nating manatili na lang sa hotel room dahil sa lamig. Para rin maging maka­buluhan ang pananatili sa hotel at hindi mabagot, ma­inam ang pagdadala ng board games nang may magawa kayo ng iyong pamilya o barkada.

HUWAG KALILIGTAAN ANG PAGDADALA NG LIBRO

lakbay-2Para hindi mabagot, pagbabasa ng libro ang isa sa magandang paraan para maaliw. Kung mag-isa ka lang namang nag­liliwaliw at wala kang makalaro o makasama sa paglalaro ng board games, libro ang magi­ging best friend mo.

At kung magta-travel—maulan man o maaraw, makabubuti ang pagdadala ng libro nang mayroon kang mabasa sakaling mabagot ka.

Isang masayang gawain ang pagbabasa. Nakapagpapawala rin ito ng inis at inip kapag mahabaan ang biyahe.

EKSTRANG TSINELAS O PANSAPIN SA PAA

Basa ang paligid at kapag ganitong panahon, hindi rin maiiwasang mabasa ang ating mga sapatos at paa. Magdala ng ekstrang tsinelas o sapatos nang mayroong magamit o pampalit.

MAGDALA NG TRAVEL TOWEL

Mainam din ang pagdadala ng travel towel para may maipampunas sa katawan sakaling mabasa. Magaan lang ito at madali ring matuyo.

SIGURADUHING MAY DALANG FLASHLIGHT

Kapag maulan, asahan din ang pagkawala ng koryente. Kaya para maging handa, huwag kaliligtaan ang pagdadala ng flashlight. Magdala rin ng ekstrang baterya at siguraduhing naka-secure ang gadgets para hindi mabasa. I-charge din ito bago umalis ng bahay at bumiyahe.

Walang panahon at oras ang paglalakbay. Puwede itong gawin ng mainit o maulan. Kumbaga, depende ito sa mood ng isang tao. Pero ano pa man ang piliin nating panahon sa paglalakbay, huwag nating kaliligtaan ang ating kaligtasan. Dahil mas masarap maglakbay kung malusog tayo. Mas ikasisiya natin ang pagtungo sa iba’t ibang lugar kung malakas ang ating pangangatawan. (photos mula sa google) CS SALUD

Comments are closed.