DAPAT TANDAAN NG  BAWAT ESTUDYANTE

ESTUDYANTE-17

(ni CT SARIGUMBA)

MAY MGA estudyanteng pinalad at nakapag-aaral nang walang inaala­la—gastusin, pambaon sa araw-araw, pambayad sa tuition, pambili ng mga kailangan sa eskuwelahan at kung ano-ano pa. Mayroon din namang ilang estudyante na kailangang mag-doble kayod nang maipagpatuloy ang pag-aaral. May iba na nagtatrabaho habang nag-aaral.

Wala nga namang makahahadlang upang maabot ng kahit na sino ang kanyang pangarap sa buhay, gaya na nga lang ng makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho ng maganda at magkaroon ng malaking kita.

Lahat naman tayo nag-aasam na umangat sa buhay. Pag-angat na hindi lamang pampersonal kundi para rin sa mga taong mahalaga sa atin.

Kung may isang bagay na dapat na isaalang-alang ng kahit na sino, iyan ay ang huwag palampasin ang pagkakataon. Sunggaban. Habulin kung kinakailangan.

Bawat estudyante, may kanya-kanyang hirap na pinagdaraanan—sa pag-aaral man iyan o sa tahanan. Gayunpaman, ano’t ano mang pagsubok ang kaharapin ng kahit na sino, hindi dapat na nawawalan ng pag-asa. Hindi dapat sumusuko. Dahil ang talunan lamang ang sumusuko.

Kaya naman, sa bawat estudyante riyan, narito ang ilang dapat na isaalang-alang nang makamit ang inaasam na tagumpay:

MAG-FOCUS SA PAG-AARAL

Napakahalaga na mag-focus ang isang estudyante sa pag-aaral o sa kung ano mang ginagawa nito. Mainam ang paggawa ng outline sa mga plano sa pag-aaral nang magkaroon ng gabay at matapos kaagad ang mga kailangang gawin.

Mainam din ang paglalaan o pag-iisip ng makatotohanang layunin sa buhay upang lalong magpursige sa pag-aaral man o sa buhay. Magkaroon din ng priority sa buhay: kung ano ang mga gagawin habang nag-aaral o matapos ang pag-aaral.

MAKIPAG-USAP SA MGA KAIBIGAN AT KAPAMILYA

Bawat estudyante nga naman ay abala o tutok sa mga kailangang gawin. Ngunit hindi porke’t tutok sap ag-aaral ay hindi na lalabas kasama ang mga kaibigan o kapamilya.

Stressful din ang buhay-estudyante kaya’t mahalaga rin na nakapagre-relax kasama ang mga taong malalapit gaya nga ng kaibigan at kapamilya.

Kung may mga problema rin, mainam na makipag-usap sa mga taong mapagkakatiwalaan nang kahit na papaano ay gumaan ang dinadala.

MAGING ORGANI­SADO SA LAHAT NG PAGKAKATAON

Napakaimportante rin ng pagiging organisado sa lahat ng panahon at pagkakataon. Kaya naman, hindi lang mga kailangang gawin sa eskuwelahan o tahanan ang kailangan mong i-organize kundi maging ang buhay o mga desisyon mo sa buhay.

Gamitin din sa maayos at kapaki-pakinabang ang oras at panahon. Mainam din kung paghuhusayin ang kaalamang teknikal.

Iban a nga naman ang panahon ngayon. Dahil sa teknolohiya ay napadadali na ang ­ating mga gawain. Kaya’t gamitin din ang nasabing oportunidad upang mapagbuti pa ang sarili gayundin ang hinaharap.

HUWAG MAGING PABAYA SA SARILI

Pagiging malusog at malakas ang isa pa sa susi upang maabot natin ang ating mga pangarap sa buhay. Kaya naman, huwag na huwag pababayaan ang sarili. Kumain ng tama at masustansiya. Iwasan din ang pagpupuyat.

PALAWAKIN ANG SOCIAL NETWORK

Isa rin sa mainam gawin ng bawat estud­yante ay ang pagpapalawak ng kanilang social network Huwag mahiyang makihalubilo at makipagkilala sa iba. napakahalaga ng pagkakaroon ng koneksiyon para sa mga plano at layunin mo sa buhay. Kung marami ka ring koneksiyon o kakilala, mas malaki rin ang oportunidad mong mapaunlad ang iyong sarili at maabot ang iyong pinapangarap.

Maaaring sumali sa grupo ng mag-aaral sa pagre-review kung may bakanteng oras. Puwede rin namang sumabay sa iba sa pagkain o pagme-merienda nang makatagpo ng bagong kakilala o kaibigan.

MAGING POSITIBO SA KABILA NG PROBLEMA’T PAGSUBOK

Maraming problema at pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ngunit gaano man kalala ang problema at pagsubok na iyan, huwag na huwag kang susuko. Manatiling positibo.

Maraming paraan upang maabot natin ang ating goal sa buhay o pangarap. Ilan lamang ang tips na ibinahagi namin sa inyo na sa tingin namin ay makatutulong sa bawat mag-aaral.

(photos mula sa vlacs.org at educationusa.state.gov)

Comments are closed.