PAGDEDEKORASYON ng tahanan, isa ito sa laging pinagtutuunan ng pansin ng bawat Nanay. Hindi nga naman sapat ang magkaroon lang ng bahay. Mainam din kung pagagandahin ito nang maging maaliwalas hindi lamang sa pakiramdam kundi maging sa paningin.
Sa pagdedekorasyon, laging kakambal nito ang pera o gastos. Hindi rin naman basta-basta ang pagpapaganda ng bahay. Hindi rin madali ang mag-isip ng magandang dekorasyon. Gayunpaman, sa mga nagtitipid pero nagnanais pa ring mapaganda ang tahanan, hindi n’yo kailangang malungkot sapagkat may mga paraan upang makuha ninyo ang inyong mga gusto. Dahil marami tayong puwedeng gawing paraan para mapaganda ang ating mga tirahan.
Sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan, hindi lang naman pera ang mahalaga kundi ang pagiging madiskarte. At kung madiskarte ka, marami kang puwedeng gawin na ikagaganda ng kabuuan ng inyong tahanan.
Kaya sa pagdedekorasyon ng tahanan, narito ang ilang tips na kailangang tandaan:
MAPAKIKINABANGAN NG MATAGAL ANG DEKORASYONG ILALAGAY
Sa pagdedekorasyon, kailangang isaisip natin kung tatagal ba ang dekorasyong ating gagawin. Hindi puwedeng tumagal lang iyan ng ilang araw. Kailangang siguruhing mapakikinabangan ng matagal ang ilalagay o pipiliing dekorasyon.
Suriing mabuti ang mga gagamiting dekorasyon. Kung wala namang pambili, puwede kayong maghanap sa loob ng inyong bahay nang maaaring magamit. Malay mo ay may mga nakatago kayong pandekorasyon na mapakikinabangan pa.
HUWAG KALILIGTAAN ANG PAGPAPAGANDA NG DINGDING
May mga pagkakataong nakaliligtaan nating pagandahin o ayusin ang dingding. Sa katagalan, kung minsan ay nagbabakbak na ang pintura nito o kaya naman, nagkakaroon ng mantsa o dumi.
Bukod sa sahig, isa rin ang dingding sa nadudumihan at namamantsahan. Kung medyo marumi na o namantsahan ang inyong dingding, maaari ninyo itong linisin. Kung hindi naman madala ng linis, maaaring lagyan o palitan ang pintura nang magmukha ulit itong bago.
Sa mga ayaw naman sa pintura, maaari namang subukan ang mga wall paper. O kaya naman, gamitin ang mga wall art o frame para matakpan ang mga problema o sira ng dingding lalo na kung wala pa kayong kakayahang ipaayos ito o papinturahan ng panibago.
Sa mga pinagsawaan naman ang kulay ng wall, maaari ring gamitin ang wallpaper lalo na’t napakaraming design at kulay ang mabibili sa merkado.
Siguraduhin ding akma sa lugar ang design o kulay ng wallpaper o pinturang iyong pipiliin.
MAG-ISIP AT GUMAWA NG KAKAIBA AT MAGANDANG DEKORASYON
Usong-uso na rin ngayon ang do-it-yourself o DIY. Sa hirap nga naman ng buhay ngayon at sa mahal ng mga bilihin, hindi puwedeng bili ka lang ng bili ng mga bagay na gusto mo. Kailangang matutong dumiskarte. Dapat ding matutong gumawa kung kaya namang gawin.
Maraming paraan sa paggawa ng dekorasyong pambahay. Kung wala kang kaalam-alam sa art, puwede kang magtsek sa online o You tube para magabayan ka sa iyong gagawin.
Swak ding gawing bonding ng pamilya ang paggawa ng iba’t ibang dekorasyon sa bahay.
BIGYANG-HALAGA ANG MGA BIGAY O NATATANGGAP NA REGALO
Kaysa itambak ang mga natanggap na regalo noong mga nagdaang panahon, mas maganda kung gagamitin ito sa pagdedekora-syon ng bahay. I-display ang mga natanggap na regalo noong Pasko o birthday.
Kaya kung marami kang nakatambak na giveaways, i-check ang mga ito at baka maaari mo itong magamit sa pagpapaganda ng iyong tahanan. Napakinabangan mo na nga naman, napaganda mo pa ang bahay n’yo.
MAG-INSTALL NG FLOATING SHELVES
Kadalasan din ay hindi natin nagagamit ang mga gilid-gilid o sulok-sulok na parte ng ating tahanan. Puwede natin itong mapakinabangan at mapaganda sa pamamagitan ng pag-i-install ng floating shelves. Maaari rin namang gawin mong reading space ang corner ng inyong tahanan na hindi nagagamit. Maglagay lang ng upuan at lamp.
Sa tuwing magpaplano tayong maglinis, mag-ayos at magdekorasyon ng tahanan, lagi tayong nangangamba sa gagastusin. Pero kung madiskarte ka, tiyak na mapagaganda mo ang inyong tahanan nang hindi gumagastos ng malaki. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.