DAPAT TAYONG MATUTO SA NAKARAANG LINDOL

alex santos

ISANG matinding lek­siyon ang hatid ng magkakasunod na lindol sa lalawigan ng Batanes noong nakaraang Sabado.

Siyam ang naitalang patay, kabilang ang isang sanggol, habang mahigit 60 iba pa ang nasugatan.

Kung hindi ako nagkakamali, humigit-kulang sa 3,000 tao o katumbas ng mahigit 900 pamilya ang apektado ng pagyanig.

Napuruhan ang ba­yan ng Itbayat kung saan naroon ang lahat ng si­yam na binawian ng buhay.

Maliban sa mga residenteng naapektuhan, isa sa mga pinanghihinaya­ngan ng mga taga-Batanes ang limestone houses na tanyag at dinarayo pa ng mga turista sa kanilang probinsya.

Daan-daang taon na ang nakararaan mula nang itayo ng mga Ivatan ang mga nabanggit na bahay na bato.

Dugo at pawis ang ipinuhunan nila rito.

Dinaanan na ng maraming bagyo ang mga bahay na bato pero tila hindi nakayanan ang serye ng mga pagyanig.

Ang totoo, ang nararanasang paglindol ay nagpapaalala sa mga pinuno ng mga bayan at lungsod na magsagawa ng paghahanda tulad ng earthquake at fire drills.

Kung may sapat na kahandaan ang mga residente, marami ang makaliligtas sa tama ng malakas na lindol.

Kaya may nama­matay dahil sa pagpapa­nik sa oras ng lindol.

Kaya mahalaga ang drill sa mamamayan.

Laging nagpapaalala ang Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs) at iba pang kinauukulang ahensiya sa mamamayan ukol sa pagtama ng lindol o “The Big One” sa Kalakhang Maynila.

Parang magnanakaw ang lindol.

Bigla itong sasalakay anumang oras na hindi natin inaasahan.

Bumabaybay pa naman daw ang faultline mula sa Montalban, Rizal hanggang Carmona, Cavite.

Kaya babala ng mga eksperto, kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline, tiyak na maraming mamamatay.

Sa naging babala ng Phivolcs noong 2013, kapag tumama raw sa Metro Manila ang magnitude 7.2 na lindol ay 37,000 katao ang mamamatay at aabot sa P2.4 trillion ang magi­ging danyos.

Ang matindi, ilang minuto matapos ang shake drill ng Metro Manila Development Autho­rity (MMDA) noong Sabado, saka naman tumama ang lindol sa Batanes.

Ang laging ipinaaa­lala ng mga awtoridad, dapat makiisa ang taumbayan sa earthquake drills para maging handa sa pagtama ng lindol.

Alisin na rin natin sa ating bokabolaryo ang pagiging tamad pagdating sa mga ganitong aktibidad.

Sa mga trahedya tulad ng nangyari sa Batanes, iminumulat ang tao para hindi na maulit ang nangyari.

Totoong may hatid itong aral at dapat itong isaisip ng lahat.

Mahalagang magkaroon din ng lubusang pag-check sa mga istruktura ng gusali at kapag nakitaan ng kahinaan, hindi na dapat tirahan o okupahan.

Huwag nang hintayin pang may mapahamak.

Nararapat mamulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda para maiwasan ang pagpa-panic at casualties pagdating ng kalamidad.

Dapat preparado at alerto ang mamamayan sa lahat ng pagkakataon.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas 6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am). Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong ala-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa [email protected] o puwede ni’yo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos