DAPAT TULARAN NG COMELEC ANG MMDA SA PAGPAPATUPAD NG BATAS

Magkape Muna Tayo Ulit

SAMPOLAN! Iyan ang dapat gawin ng Comelec sa mga lumalabag sa batas sa pagkakabit ng mga campaign poster. Sana sa hakbang ng Comelec noong Biyernes kung saan nang-hunting umano sila ng mga ilegal na campaign posters bilang isang ma­tinding mensahe sa mga pasaway na kandidato na tumatakbo ngayong 2019 elections.

Nagbigay ang Comelec ng palugit o grace period na tatlong araw upang tanggalin ito. Hindi dapat kumurap ang pamunuan ng Comelec dito. Kapag nakita kasi na seryoso sila at talagang may kalalagyan ang mga pasaway na kandidato, tiyak na susunod sila batas.

Dapat ay pamarisan nila ang ginawa ng MMDA sa ilalim ni chairman Danilo Lim. Ipinakita nila na seryoso sila sa pagpapatupad ng batas trapiko. Noong una ay hindi sila siniseryoso. Sa katunayan, saksi tayo sa maraming video na naging viral kung saan inaaway, hinahamon, minumura, pinag-bubuhatan ng kamay at binabastos ang ilang traffic enforcers ng MMDA tuwing sila ay naninita ng mga pasaway na motorista.

Hindi natitinag ang MMDA kapag alam nila na nasa katuwiran sila. Sa katunayan ay hinahamon pa nila ang mga pasaway na motorista na magsam-pa ng reklamo kung sa palagay nila ay tama sila at hindi lumabag sa batas trapiko. Sa walang tigil at seryosong panghuhili ng mga lumalabag sa batas trapiko, malinaw ang nais na mensahe ng MMDA – seryoso sila kaya dapat sumunod tayo sa batas trapiko!

Ganito dapat ang gawin ng pamunuan ng Comelec. Hindi lamang babala sa mga kandidato sa umpisa ng kampanya. Dapat ay patuloy ang enforce-ment sa  batas at dapat kasuhan ang mga ito. Magpapatuloy ito kapag hindi nila nilabanan ang mga pasaway na kandidato.

Pagsapit ng Marso ay dadagsa pa ang mga posibleng lalabag dito. Mag-uumpisa na rin ang kampanya sa lokal ng mga posisyon. Dapat ay pag-tuunan ito ng Comelec hindi lamang dahil sa paglabag sa batas. Ang mga campaign poster ay nakadaragdag din ng basura sa ating lipunan. Ito ay magi-ging sanhi ng pagbaha pagsapit ng tag-ulan.

Tingnan ninyo ang kampanya ng DENR at DILG laban sa paglinis ng Manila Bay. Kaila­ngan lamang talaga na masampolan ang mga lumalabag sa pagtatapon ng dumi sa Manila Bay. Ginawa nila ito at sinusuportahan sila ngayon ng malalaking korporas­yon sa paglilinis ng Manila Bay.

Kaya hindi aani ng suporta ang kampanya ng Comelec laban sa mga pasaway na kandidato kapag hindi nila ipinakita at ipinaramdam na seryoso sila rito. Ka­suhan na agad. Magsampol kayo!

Handa namang tumulong sa Comelec ang MMDA, PNP at ang DILG sa kanilang kampanya. Subalit sila dapat ang nangunguna rito. Kailangang ipakita ng Comelec sa mga ibang sangay ng gobyerno na katulong nila na serysoso sila. Ngunit kung ma­lamya ang koordinasyon ng Comelec sa kanila, tiyak na hindi rin ito makakakuha ng buong suporta. Nagbigay na ng inisyal na pangalan ang Comelec sa mga lumabag sa ilegal na campaign posters.

Noong nakaraang linggo, nagpasaring si Comelec Comm. Rowena Guanzon na 34 sa 62 na kumakandidato bilang senador ang na­nganganib na madiskuwalipika sa paglalagay ng ilegal na campaign posters. Ang sabi ni Guanzon ay sinulatan na nila ang mga ito at kung hind pa rin sila gumawa ng karampatang aksiyon ay kakasuhan na sila. Ows? Sige nga! Sabi ko nga ay kailangang sampolan ang mga pasaway na tumatakbo sa eleksiyon habang maaga pa. Kung ipakikita nila ang ‘kamay na bakal’ tulad ng ginagawa ni Pangulong Duterte, susunod ang mga ito. Dagdag pa rito ay matatakot na rin ang mga tumatakbo sa lokal na posisyon  na maglagay ng mga campaign poster sa mga bawal na lugar. Inuulit ko,  hinahamon ko ang Comelec. SAM-POLAN N’YO NA!

oOo

Nais kong batiin si Susenia Flores, ang na­ging caddy ko sa Villamor Golf Club kahapon. Siya ay isang masugid na nagbabasa ng PILIPINO Mir-ror. Mabuhay ka Susenia.

Comments are closed.