IPINAG-UTOS na ni Agriculture Secretary William Dar ang pagsasagawa ng sistematikong testing sa lahat ng klase ng processed meat products sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ng ilang brand at mga homemade na processed meat products tulad ng tocino at hotdog na ibiniyahe sa Calapan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Dar, mas makabubuti kung sisimulan na nila ang sistematiko at maayos na pagsasailalim sa testing ng iba’t ibang processed meat products kung saan inaasahang ipalalabas ang resulta sa susunod na linggo.
Paliwanag pa ni Dar, bahagi na rin ito ng kanilang validation sa mga naunang produkto na nagpositibo sa ASF.
Ito ay matapos namang umalma ng grupo ng meat processors sa proseso ng isinagawang test ng DA at Bureau of Animal Industry (BAI) dahil pinagsama-sama lamang sa iisang lagayan ang lahat ng nakuhang samples.
“That’s why we are doing validation para separately itong branded na ito, saka yung iba’t-ibang unbranded. That’s why hindi namin nilalabas muna kung sino sila and we are extra careful kasi negosyo ‘yan at we should be guided by good evidence. Ang utos po nu’ng nalaman po ito ay mag-testing na sila properly, I mean when I said properly, hindi ‘yung halo-halo. Ilalabas po namin ‘yang resulta mid week, next week,” ani Dar.
Samantala, pinabulaanan naman ni Dar ang pahayag ng Philippine Association of Meat Processors Incorporated (PAMPI) na tumagal pa ng siyam na araw bago naisailalim sa testing ang mga nakumpiskang karneng baboy at processed meat products.
“Once na it was confiscated, then nagbigay ng sample ang provincial veterinary office ng Mindoro at dinala roon sa BAI, since mayroon kaming datos na when did we receive ‘yung samples na dinala,” ani Dar.
Comments are closed.