PARA palawakin at palakasin ang industriya at produksyon ng mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Camarines Sur, lumagda ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ibang pangunahing ahensya ng pamahalaan ng Memorandum of Agreement(MOA) kamakailan.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer Renato C. Bequillo layunin ng naturang MOA na palakasin ang coconut candy, coconut oil, coco jam, at iba pang produkto mula sa niyog ng mga ARBs na mga kasapi ng Bolaobalite Farmers Association (BFA), isang 62-kasaping grupo,sa Camarines Sur.
Binigyang diin ni Berquillo na ang inisyatiba ay nasa ilalim ng proyektong Village Level Farm-Focused Enterprise Development (VLFED) ng DAR, na sumusuporta sa pagsasaka ng niyog at paggawa ng mga produkto mula sa niyog.
“Panahon na para bigyan natin ang BFA ng isang processing center upang mapahusay ang kanilang mga operasyon sa negosyo,” ani Bequillo.
“Ang bagong processing center ay magpapahintulot sa kanila na mapataas ang kalidad, madagdagan ang kapasidad, at mapagkalooban ng mga pagsasanay upang makipagkompitensya sa mas malawak na merkado, ”dagdag pa niya.
Nangako si Tinambac Mayor Ruel B. Tuy na tutumbasan ang P1.050 milyon na budget ng DAR sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang pondo upang maitayo ang bagong pasilidad sa isang lote na donasyon ng BFA. Inaasahan niya na ang center na ito ay hindi lamang magsisilbing processing hub kundi isang training facility para sa lahat ng magsasaka sa Bolaobalite.
“Tinitiyak namin na ang BFA ay magkakaroon ng maluwag at kumpletong pasilidad para sa kanilang mga operasyon. Nais naming bumuo ng isang komunidad ng mga responsableng magsasaka na magagamit ang pagsasanay, kagamitan, at processing center nang wasto upang mapalago ang kanilang organisasyon,” ani Tuy.
Binibigyang-diin din ng MOA ang pakikilahok ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST) sa pag-integrate ng VLFED Project sa kanilang mga programa sa pagpapahusay ng produkto.
Ipinaliwanag naman ni Provincial Director Jay Percival S. Ablan ng DTI at Provincial Director Patrocinio N. Felizminio ng DOST ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga magsasaka at agrikultura para sa pambansang kaunlaran.
“Kami ay nakatuon sa pagsuporta sa mga mapagkakakitaang negosyo na itinatag ng mga organisasyon ng magsasaka, tulad ng BFA,” sabi ni Ablan.
Magkasamang pangangasiwaan ng DAR at ng Local Government Unit (LGU) ng Tinambac ang konstruksyon ng processing facility. Isang komprehensibong plano ang bubuuin sa pagpapatupad upang ganap na maisakatuparan ang proyekto ng VLFED. MA. LUISA GARCIA