NAKAHANDA na ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Cotabato na mapatawad ang mga utang ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa kanilang lugar sa pagsasagawa nito ng oryentasyon para sa ganap na pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act o ang Republic Act No. 11953.
Ang batas na ito, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 7, 2023, ay naglalayong patawarin ang lahat ng hindi nababayarang amortisasyon, interes, at surcharge ng ARBs sa mga lupang agrikultural na naipagkaloob sa ilalim ng programang pang-agraryo ng pamahalaan.
Ang nasabing oryentasyon ay nakatuon sa pagbibigay ng mga kaalaman at kagamitan sa 30 Municipal Agrarian Reform Program Officers (MARPOs) at 53 support staff upang mabisang maipatupad ang batas.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Evangeline Bueno, may 9,399 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa North Cotabato ang makikinabang mula sa batas na ito sa pamamagitan ng pag-isyu ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Ang pamamahagi ng COCROM ay pagtupad sa mandato ng NAEA.
“Nais naming maging handa ang lahat upang maayos, mahusay at epektibong maipatupad ang batas upang mapakinabangan na ng mga ARB ang benepisyong dala ng batas na ito,” aniya.
Ang mga kalahok ay pinagkalooban ng mga template upang mapag-isa ang mga status ng mga target at accomplishments, na gagamitin sa darating na MARPO assessment.