DAR PABIBILISIN ANG DIGITALIZATION AT SERBISYO SA MGA MAGSASAKA

HUMINGI ng tulong ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga delegado ng Internet of Things (IoT) para sa posibleng pagpapabuti ng information technology (IT) at programa sa digitalization ng ahensiya upang mas mapabilis ang serbisyo nito sa agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Ito ay matapos malugod na tanggapin ni Jesry T. Palmares, Undersecretary for Foreign Assisted and Special Projects Office (FASPO), ang mga delegado ng IoTCon sa pamumuno ni G. Arnold Bagabaldo, Chief Executive Officer (CEO) at Presidente ng Packetworx, sa isang conference na ginanap sa DAR central office noong Oktubre 28, 2024,

“Sa posibleng pakikipagtulungang ito, mas matututo ang DAR sa pag-update ng aming digitalization system, data gathering, accessibility at mas mahusay na internet connection,” sabi ni Palmares.
Isa sa target pabilisin ng DAR sa pagpoproseso sa pamamagitan ng mas mahusay na digitalization ay ang paghahati-hati ng mga titulo ng lupa ng mga ARBs, at mga isinususulong ng DAR na pagbibigay ng suportang serbisyo sa mga ito at sa ARB organizations (ARBOs).

“Mayroon tayong hindi bababa sa 8,110 organisasyon sa bansa at humigit-kumulang 2,700 agrarian reform communities. Sa posibleng partnership na ito, magagabayan ang DAR sa mga pinakabagong mga gawain, inobasyon at teknolohiya sa pamamagitan ng paggamit ng IT applications na tutulong sa mga magsasaka na maging mas mahusay sa paglilinang at modernisasyon ng kanilang mga sakahan na ipinagkaloob ng DAR,” sabi ni Bagabaldo.

Ayon kay Bagabaldo, ang Paketworx ay ang una at tanging connectivity provider para sa Internet of Things (IoT) sa Pilipinas.

May temang “Connected Ecosystem in Building the IoT-Ready Philippines,” layunin ng IoTCon 2024 na pagsama-samahin ang mga propesyonal sa industriya, kinatawan ng pamahalaan, at pandaigdigang stakeholder ng IoT upang pasiglahin ang pakikipagtulungan at tuklasin ang mga konektadong teknolohiya.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia