DAR SA EMPLOYEES: ‘NO SWAB TEST, NO ENTRY’!

SWAB TEST

MAKARAANG umabot sa 31 staff ang nagpositibo sa Covid-19, hindi na papayagang makapasok sa kanilang trabaho ang mga empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng walang ‘swab test’ sa loob ng 14 na araw.

Nitong Huwebes nabg magpalabas si DAR Director for Administrative Service Cupido Asuncion, ng memorandum para sa mandatory testing ng mga empleyado sa mga opisina ng ahensiya upang matiyak na hindi mahahawa pa ang iba ng  virus.

Ayon kay Asuncion, 27 na lamang ang aktibong kaso sa kanilang kagawaran matapos gumaling ang apat.

Hinala ni Asuncion, hindi sila nahawahan sa opisina o habang nagtatrabaho at aniya posibleng nakuha nila ito sa labas ng opisina, gaya ng pagbiyahe o pag-grocery.

Ang mga pasyente aniya ay patuloy na naka- quarantine na pawang asymptomatic at may mild symptoms lamang. “Nasa bahay lang sila naka-isolate. They are in high spirits naman, tapos nagwo-work from home pa rin naman sila,” ani Asuncion.

Gayunman, sinabi ni Asuncion na hindi naman apektado nito ang kanilang trabaho dahil patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka para matulungan ang mga ito lalo na ngayong pandemic.

“Minsan may mga takot magpa-swab, masakit daw, ganyan, eh kailangan namin silang puwersahin kasi kung halimbawang may nag-positive sa isang office ‘yung tracing natin.…Kung may ayaw magpa-swab eh baka mamaya sila na pala ‘yung spreader, di natin alam,” dagdag pa ng opisyal. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *