CAMP CRAME – DIREKTANG itinuro ni PNP Chief, Director Oscar Albayalde si Daraga Albay Mayor Calwyn Baldo na pangunahing suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.
Sa press conference sa Camp Crame kahapon, ito ang resulta sa imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group Batocabe, CIDG at PNP Intelligence Group.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na napilitang sumuko ang trusted security aide ni Baldo na si Christopher Naval alyas Tuping noong Disyembre 30, 2018 dahil sa walang tigil na operasyon ng PNP.
Sa pagsuko ni Naval, nakapagbigay ito ng mga mahahalagang impormasyon at sinabing buwan pa lamang ng Agosto ay pinaplano na ang pagpatay kay Batocabe.
Sumunod namang sumuko ang isang Emmanuel Bonita Judavar na ngayon ay nagsisilbing witness ng PNP.
Hindi kasi nakasama si Judavar sa actual execution kay Batocabe dahil nag-back out ito sa grupo.
Inamin ng dalawa na nag-offer si Baldo ng P5 milyon para patayin si Batocabe na nagbigay na aniya ito ng inisyal na P250,000 para pambili ng baril at motorsiklo.
Sina Naval at Judavar ay kapwa mga dating miyembro ng Philippine Army.
Natukoy naman ang iba pang mga suspek na kabilang sa pagpatay na sina Henry Yuson alyas Romel at Eno dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na siyang nagsilbing gunman gamit ang 40 caliber pistol; Rolando Arimado alyas RR dating miyembro ng NPA, nagsilbing back up gun man, EmmanueL Rosello alyas Boboy dating CAFGU member na nagmaneho ng get-away motorcycle at isa pang Jaywin Babor alyas Jie dating miyembro ng Philippine Army.
Ang mga suspek ay naka-payroll umano sa tanggapan ni Mayor Baldo.
Kahapon ay kinasuhan ng double murder at six counts ng multiple frustrated murder ang mga suspek kabilang na si Baldo sa Provincial Prosecutor Office ng Albay.
Unang binalak patayin umano si Batocabe sa DZJB Radio station at Hotel Venezia sa Legaspi City na malimit umanong pinu-puntahan ng Kongresista ngunit hindi natuloy.
Ngunit natiyempuhan noong Disyembre 22, 2018 sa Brgy. Burgos, Daraga, Albay na kanyang ikinamatay.
LISENSIYA NG BARIL NI MAYOR BALDO KINANSELA NA
Kinansela na ni Albayalde ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms outside residence ni Mayor Baldo.
Ito ay makaraang siyang kasuhan sa Albay Prosecutor’s Office ng Double Murder at Six Counts ng Multiple Frustrated Murder kasama ang iba pang suspek sa pagpatay kay Batocabe at Diaz.
Ayon kay Albayalde, na kaniya na ring inirekomenda ang kanselasyon ng Deputation ni Baldo upang mawalan na siya ng Administrative Control sa Daraga PNP.
Sa katunayan ay limang milyong piso ang inalok sa kanila na kontrata ngunit 250,000 pesos lamang ang naibigay na pinambili ng mga baril at motorsiklo.
NO COMMENT SI BALDO
Samantala, ayaw nang magkomento pa ni Baldo sa alegasyon laban sa kanya at sinabing tuloy ang kanyang serbisyo sa kanyang kababayan. REA SARMIENTO