NAKIKIISA ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ of the Philippines (CBCP) sa World Mental Health Day at nag-alay pa ng panalangin para sa mga taong nakararanas ng suliranin sa kaisipang pangkalusugan kasabay ng nararanasang krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, hindi lamang pangkatawan ang kalusugan, kundi maging sa kaisipan na dapat na pakaingatan at pagtuunan ng pansin.
“Kaya dapat maging maingat at maging conscious tayo kasi ito’y bahagi rin ng ating kalusugan. Madalas nakikita natin ang kalusugan natin na pangkatawan lang, kun’di pati sa ating kaisipan, may kalusugan din d’yan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Kaugnay nito, hinikayat pa ng obispo ang pag-aalay ng panalangin para sa mga taong may problema sa mental health na makatutulong para mapagaan ang kanilang mga dinaramdam.
Iginiit ng Obispo na ang mga nag-aalay ng panalangin sa kapwa ay matutulungan ding maibsan ang pansariling karamdaman sa kaisipan.
“Diyos Amang mapagmahal, kami po’y nagpapasalamat sa’yo sa biyaya ng aming kalusugan. Kalusugan sa aming katawan, sa aming kaisipan at sa aming kaluluwa. Ipinagdadasal po namin ngayon ang World Mental Health Awareness, ang mga kapatid namin na magkaiba po ng mga problema sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Gabayan n’yo po sila, iligtas n’yo po sila, bigyan po sila ng mga taong makakaunawa sa kanila at makakatulong sa kanila; At ipinagdarasal din po namin na kaming lahat ay maligtas sa ganitong karamdaman sa aming kaisipan. Ito po’y aming hinihiling sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.” Panalangin pa ng obispo.
Ang World Mental Health Day ay ginugunita tuwing Oktubre 10 upang mabigyang-pansin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa lumalalang bilang ng mga taong nakararanas ng depresyon na humahantong sa pagpapatiwakal.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 953 ang mga tawag na kanilang natanggap noong Marso hanggang Mayo, 2020. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.