DASAL NATIN NGAYONG PASKO: BAKUNA PARA SA LAHAT; PAG-AHON MULA SA PANDEMYA

TATAK PINOY

ILANG araw na lang, Pasko na naman. Pero aminin man  natin o hindi, itong taong ito, ang Pasko para sa mamamayan, lalo na sa mga bata ay hindi na tulad ng dati.

Kung sabagay, ang Pasko ay hindi naman para sa mga materyal na bagay lang o kasiyahan o party-party kung saan-saan. Ang Pasko ay pag-alala natin sa kapanganakan ng ating Mahal na Mesias, panahon ng pagbibigayan, mas maigting na pagmamahalan ng pamilya at ng mga kaibigan.

Nakasanayan natin na kapag malapit na ang Kapaskuhan, may mga Christmas wish tayo. Lalo na ang mga bata. At ngayong Paskong ito, dalawang pinakamahahalagang bagay ang dasal ng inyong lingkod – tagumpay na bakuna kontra COVID-19 para sa Filipino at ang katapusan ng pandemyang ito upang makalaya na ang lahat sa takot at pangamba.

Sa ngayon, may mga naglulutangang bakuna kontra COVID na ayon sa mga eksperto ay ligtas at epektibo.

Ang mga bakunang ito ay may iba’t ibang kakanyahan pagdating sa umano’y bisa base sa mga pinagdaanang trial.

Nariyan ang Pfizer-BioNTech, kung saan 95 porsiyento umano itong epektibo at tinatayang nasa P1,900 ang halaga.

Sa kanilang pag-aaral, posibleng makalikha sila ng hanggang 1.3 bilyong dosis hanggang sa mga huling araw ng taong 2021. Ito ay kinakailangang nakaimbak sa lamig na  -70°C upang masiguro ang kaligtasan nito.

Nariyan din ang Moderna na sinasabi namang 94% effective, ngunit may kamahalan sa  presyong P2,400 hanggang P3,400. Tinataya namang makalilikha sila ng halos 1 bilyong dosis sa 2021 at kailangang nakahimpil ang mga bakunang ito sa lamig na -20°C upang matiyak din ang kaligtasan nito.

Ang AstraZeneca-Oxford ay tinataya namang nagkakahalaga ng P300 hanggang P400. Ito ang pinaka-abot-kaya sa lahat at posible pang umabot hanggang 3 bilyon ang magagawang dagdag na bakuna kontra COVID sa 2021. Mananatiling epektibo at ligtas ang kanilang bakuna sa lamig na 2°C hanggang 8°C.

Ayon sa Pfizer na lumikha sa Pfizer-BioNTech vaccine,  tagumpay silang pumasa sa Phase 3 study nitong Nobyembre at pasok sa lahat ng primary efficacy endpoints.

Sa kanilang pag-aaral, lumalabas na ang primary efficacy analysis ng kanilang bakuna (BNT162b2) ay 95% effective at maaaring ibigay sa anumang edad, lahi, kasarian at nakita ring epektibo sa mga may edad 65 pataas.

Bukod sa tatlong ito, mayroon ding pinalulutang ang Tsina sa pamamagitan ng kanilang dalawang giant vaccine makers – ang Sinovac na pribadong parmasya at ang Sinopharm na pag-aari naman ng kanilang gobyerno. Ilang linggo lang, maaari na rin daw nilang ilabas ang kanilang produkto  na hindi nangangailangan ng cold chain networks.

Ang mahalaga ngayon, sinuman ang mauna, ay magkaroon na ng totoong epektibo at ligtas na bakuna kontra COVID. Ito naman ang pinakahihintay nating lahat para sa mga susunod na araw, buwan, at taon ay tuluyan nang mawala, kundi man mabawasan ang mga kaso ng COVID infections sa Filipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo.

oOo

Usapang Pasko pa rin po tayo.Dami nating naririnig, ano raw ba magandang panregalo sa mga kaanak at mga kaibigan? Pasok na naman dito ang usapang pandemya.

Nito po kasing pandemya, talagang hinagupit nang husto ang local businesses natin. Marami sa mga negosyong Pinoy ang naapektuhan, lalo na yung mga maliliit na kalakalan – itong mga MSMEs o micro, small and medium enterprises.

At dahil palapit na ang Pasko, simpleng tulong po ang maibibigay natin sa ating mga kababayang bahagi ng MSME. Sa kanila po tayo bumili ng ating mga panregalo, pagkaing panghanda sa Noche Buena o sa kahit anong okasyon.

Sila po ang mga negosyante na kumbaga sa sanggol, gumagapang at nagsisimula pa lang ang development nang biglang dapuan ng karamdaman kaya naudlot ang progreso. Tulungan po natin ang MSMEs, isulong po natin ang mga produktong Pinoy dahil tayong mga Filipino lamang ang may kakayahang ipagmalaki ang gawang Pinoy, Tatak Pinoy.

Comments are closed.