DASAL PARA SA KALULUWA NG 11 NAPATAY SA CALOOCAN PANAWAGAN NG OBISPO

DASAL-PATAY

NANAWAGAN ng pana­langin si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Vice-President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa publiko para sa mga kaluluwa ng 11 biktima ng pagpaslang sa kanyang nasasakupang diocese, na naganap sa loob lamang ng siyam na araw.

Sa kanyang personal na Facebook account, ibinunyag ni David ang patuloy na mga insidente ng pagpaslang sa South Caloocan, Malabon at Navotas na hindi na lumalabas at naibabalita ng mainstream media.

Dismayado ang Obispo sa pagsasawalang bahala at tila hindi na aniya pagbibigay-halaga ng mga mamamaha­yag sa paglalahad ng patuloy na mga kaso at insidente ng pagpaslang sa lugar.

Dahil dito, umapela ng panalangin si David para sa mga kaluluwa ng mga napas­lang at katatagan ng loob ng kanilang mga naiwang pamilya.

Aminado si David na ba­gama’t hindi makatutulong ang Simbahang Katolika upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa mula sa mga hindi pa natutukoy na mga salarin ay sinisikap naman aniya ng diyosesis na matulungan at mailigtas ang mga naulilang pamilya mula sa pananamantala ng mga mapang-abusong funeral parlors sa lugar.

Batay sa obserbasyon ni David, muling nagsimula ang sunod-sunod na insidente ng pagpaslang sa kanilang lugar noong ika-24 ng Agosto.

Wala pa rin namang nahuhuling salarin ang mga pulis sa mga nasabing krimen.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.