PINAIIMBESTIGAHAN ng Gabriela Partylist sa Kamara ang nangyaring passport data breach sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa House Resolution 2409 na inihain nina Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, pinasisilip sa House Committee on Information and Communications Technology kung may paglabag sa Data Privacy Act of 2012 ang kinuhang private contractor na tumangay sa mga personal information ng mga Filipino passport holders.
Nababahala ang mga kongresista na ang mga personal na impormasyon mula sa pasaporte ay maaaring magamit sa bank-related fraud at pandaraya sa 2019 midterm elections.
Dapat aniyang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno at mga private contractors na mapapatunayang sangkot dahil marami itong implikasyon sa seguridad ng bawat indibidwal.
Aalamin sa DFA kung bakit pumalya itong mag-secure ng back-up ng mga sensitibong impormasyon at pagpapaliwanagin ang ahensiya kung bakit kinailangan pang mag-outsource ng third party service provider para sa paggawa ng pasaporte.
Bubusisiin din kung bakit walang nailatag na contingency plan ang DFA sa mga ganitong klase ng problema.
Dahil sa passport data leakage, hinikayat ng mga mambabatas na ipatigil ang implementasyon sa National ID system dahil sa kakulangan sa data privacy security. CONDE BATAC
Comments are closed.