MAYROON nang ginagawang aksiyon ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa umano’y data breach sa operasyon ng kompanyang Smartmatic.
Gayunman, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na hindi muna maisasapubliko ang detalye ng hakbang ng poll body dahil nagpapatuloy rin ang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation sa isyu.
“The en banc is taking action. Details cannot be revealed yet so as not to prejudice the ongoing NBI investigation,” ani Garcia.
Nabatid kay Garcia na nakatakda nang magpalabas ng opisyal na direktiba ang mga opisyal ng Comelec para tugunan ang kontrobersiya na may deadline na Marso 29.
“Directives will be given to certain Comelec officials and we expect the directive complied until March 29, 2022,” dagdag nito.
Nauna nang lumutang na may isang dating empleyado ng Smartmatic ang nagpagamit umano sa grupo ng hackers para makopya ang election data mula sa company-issued laptop nito.
Pero iginiit na rin ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na walang paraan upang magawang manipulahin ng hackers ang resulta ng May 9 national at local elections. Jeff Gallos