CAMP VICENTE LIM – INAMBUS at napatay ng armadong lalaki ang dating Barangay Chairman ng San.Vicente, lungsod ng Sto. Tomas, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni PLt. Col. Armie Agbuya, hepe ng pulisya ang biktimang si Dave Garcia, residente ng nasabing lugar.
Sinasabing nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang ulo at katawan ang biktima matapos malapitang pagbabarilin ng suspek habang lulan sa kulay itim na Montero sa mismong harapan ng Imperial Subdivision dakong ala-6 ng umaga.
Batay sa CCTV footage, aktong may kausap ang biktima sa lugar nang biglang sumulpot ang nasabing sasakyan na agad bumaba ang suspek na nakasuot ng bullcap at facemask at walang habas na pinagbabaril si Garcia hanggang sa bumulagta sa semento at bawian ng buhay.
Mabilis na tumakas ang suspek patungo ng hindi mabatid na lugar.
Samantala, batay sa inisyal na pagsisiyasat ni Agbuya, kabilang ang biktima sa PRRD List subalit patuloy na inaalam ng mga ito ang iba pang posibleng motibo sa krimen. DICK GARAY
Comments are closed.