ISINALANG sa cross examination si dating Bureau of Correction (BuCor) Director Rafael Ragos sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) sa kasong illegal drug trading laban kay Senadora Leila de Lima sa loob ng New Blibid Prison (NBP).
Dakong alas-8:30 ng umaga nang isalang sa cross examination si Ragos sa sala ni Muntinlupa RTC Jugde Liezel Aquiatan ng Banch 205 na halos tumagal ng tatlong oras.
Si Ragos ay tumatayo bilang isa sa mga saksi sa kaso laban kay De Lima.
Naungkat sa pagtatanong ni Atty. Boni Tacardon ang pagtanggap ni Ragos ng mga regalo mula sa mga hindi umano nito kilalang tao at mga preso sa bilibid.
Naungkat din sa ginanap na pagdinig sa isang memo na inilabas ni Ragos laban sa isang Jun Ablen ng NBI na hindi kasama sa mga kinasuhan na kasabwat din umano sa ilegal na aktibidad ng dating opisyal.
Sinabi ni Tacardon na ipinakikita lamang nila ang inconsistency sa testimonya ng saksi dahil sa pabago bagong pahayag ni Ragos.
Binalewala naman ito ng prosekusyon at sinabing anumang pahayag ni Ragos ay kaya nitong bigyang linaw.
Muling ipagpapatuloy ang pagdinig sa Hunyo 28 ng alas-8:30 ng umaga.
Aaksiyunan naman ng korte ang mosyon ng kampo ni De Lima na humihiling na alisin sa witness protection program ang iba pang mga saksi na pawang preso sa NBP bago muling isalang si Ragos sa pagpapatuloy ng cross examination. MARIVIC FERNANDEZ