AWA ang naramdaman ng mga nakapanood kay CJ Ramos, dating child star nang damputin ng mga pulis dahil sa paggamit ng pinagbabawal na gamot.
Sa eksklusibong interview kay CJ ni Ms. Korina Sanchez ng Rated K sa Caloocan City Police Station kung saan nakakulong ang former child actor ay nag-open up ito kung paano siya nagsimulang matutong gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa kuwento ni CJ kay Miss Korina, nagsimula raw ang lahat nang tumamlay ang kanyang showbiz career. Nag-aral na lang siya para makatapos ng high school pero nahinto rin simula nang maubos ang perang kaniyang naipon sa pag-aartista.
“Pagdating ko ng high school, medyo tumamlay na po ‘yung karera ko nu’n, alanganin ‘yung edad ko ba, alanganing bata, alanganing matanda. Hindi na ako pinapirma ng kontrata ba, wala akong manager, napabayaan po,” kuwento ni CJ.
May naipundar at naipon naman daw siya that time pero unti-unti rin daw nawala. Ang mahigit isang million daw niyang naipon ay para gamitin sa kanyang pag-aaral ay napautang nila at ang malungkot ay hindi na siya binayaran.
“Simula po nu`n, as in zero. Parang pinagtakluban po kami ng langit at lupa. Ang inuulam po namin sa loob ng 2 taon, isang sardinas, itlog at kanin. Naghahati po kami du`n ng pamilya. Doon ako na-depress siguro. Kasi, first time ko pong naramdaman ang hirap na ganu`n, e. Dahil nu’ng bata po ako, nagtatrabaho nu’ng bata ako, hindi ko alam ganu’n ang buhay ko, ma`am,” aniya.
Doon na raw nagsimula siyang mapasama sa maling barkada hanggang sa matuto na rin siyang gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Nagsimula na rin niyang pabayaan ang sarili at inabuso ang murang katawan.
Dumating din daw sa punto na gusto niyang magbago. Isang taon din daw siya natigil sa bisyo at nag-aral sa TESDA para makapagtrabaho sa ibang bansa. Pero ang malungkot ay aalis na lang daw siya ay nagkaroon ng problema at hindi na nga natuloy ang kanyang pag-alis.
Ayon na rin sa ama ni CJ nang hindi natuloy ang pag-alis ng anak papuntang Macau ay muli itong na-depress at nabarkada na naman.
At sa katapusan ng interview ay hindi na napigilan ni CJ ang mapaiyak.
“Napakahirap po makulong. Sinasabi ko na lang po sa sarili ko na pagsubok lang `to.
Basta ang gusto ko lang, maging malaya at saka ‘yung maayos na buhay. Magandang buhay lang po, okey na ‘yun. Hindi naman po ako naghahangad ng kung ano pa. Makasama ko lang ang pamilya, okey na,” ang pahayag ni CJ habang pumapatak ang luha sa kanyang mga mata.
Payo sa kanya ni Miss Korina na hindi pa naman huli ang lahat dahil bata pa siya para maiayos ang kanyang buhay.
“Opo,” ang naging sagot ni CJ at sinabi na magbabago na raw siya talaga.
If ever na mabigyan ng pangalawang pagkakataon si CJ ay siguro naman ay puwede pa siyang makabalik sa showbiz, lalo`t nalaman ng lahat na kaya pala siya nalulong sa pinagbabawal na gamot ay dahil sa depression at panloloko ng mga nangutang sa kanya.
Comments are closed.