Pumanaw na dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si dating Commission on Elections (Comelec) chairman Atty. Sixto Brillantes kahapon ng umaga.
Mismong si Comelec Spokesperson James Jimenez, ang nagkumpirma ng naturang malungkot na balita sa publiko.
Ayon kay Jimenez, dakong 11:08 ng umaga nitong Martes nang malagutan ng hininga si Brillantes.
Gayunman, hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye hinggil dito.
Inaasahan namang maglalabas sila ng opisyal na pahayag hinggil sa pagpanaw ni Brillantes.
Matatandaang si Brillantes ay una nang napaulat na tinamaan ng COVID-19 at humihingi ng panalangin ang kanyang pamilya para sa kanyang agarang kagalingan.
Ayon sa anak ni Brillantes na si Zeena, Hulyo 18 nang isugod sa pagamutan ang ama matapos na makitaan ng sintomas ng pneumonia.
Noong Hulyo 22, nakumpirmang dinapuan ito ng COVID-19 ngunit hindi malinaw kung saan nakuha ang virus.
Kinailangan siyang i-intubate ng mga doktor noong Hulyo 25 dahil hindi stable ang kanyang oxygen level.
Si Brillantes ay matatandaang itinalaga ni dating pangulong Noynoy Aquino at namuno sa Comelec noong Enero 2011 hanggang Pebrero 2015.
Magdiriwang sana siya ng kanyang ika-81 kaarawan sa darating na Agosto 14. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.