MAKALIPAS ang mahigit kalahating dekada na paghihintay, inabsuwelto ngayong Biyernes, Nobyembre 12, 2021 ng Sandiganbayan si dating Caloocan Second District Representative Mitch Cajayon-Uy sa kasong graft kaugnay ng pork barrel scam o ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa isang unanimous na desisyon ng Sandiganbayan Second Division, si Cajayon-Uy ay napawalang-sala sa dalawang counts ng graft, isang count ng malversation of funds at isang count ng Malversation thru Falsification para sa “failure of the prosecution to prove her guilt beyond reasonable doubt”.
Magugunitang si Cajayon-Uy ay inakusahan ng umano’y maling paggamit ng kanyang P10 milyong discretionary Priority Development Assistance Fund noong Mayo at Hunyo 2009. Ang mga reklamo ay inihain ng Public Assistance and Corruption Prevention Office ng Office of the Ombudsman noong 2015 at pagkatapos ay inihain sa Sandiganbayan noong 2018.
“Our acquittal today is vindication that we never committed any of the criminal allegations hurled against us. This is a testament that the criminal prosecution against me was nothing but persecution by the former administration directed at known allies of former President GMA” ayon sa press statement ni Cajayon-Uy.
Samantala, bilang isang ina ng tatlong anak, sinabi ni Cajayon-Uy na mula nang siya ay nasakdal noong 2015, siya at ang kanyang pamilya ay nahaharap sa matinding stress at hindi makatulog. Higit pa rito, muling iginiit niya na ang piling pag-uusig sa mga kaso ng PDAF noong nakaraang administrasyon ay nabahiran ang kanilang mga pangalan at sila ay binansagang corrupt sa kabila ng mga mali at walang katibayan na mga paratang.
Sinabi pa ng dating mambabatas na ang desisyon ng Sandiganbayan ngayon ay isang katibayan na epektibo at patas ang sistema ng justice system sa bansa.
Kaugnay nito ay pinuri naman ng dating mambabatas ang Sandiganbayan sa pamumuno ni Justice Samuel Martires sa pagprotekta sa integridad ng opisina sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga kaso ay dinidinig ayon sa kanilang mga merito at hindi nababalot ng pulitika ng partido. Sinabi nito na ang pagpapawalang-sala sa kanya ay nagpanumbalik ng kanyang pananampalataya sa ating sistema ng hustisya.