DATING ERC COMMISSIONER, NAMUMURO SA KASONG KORUPSIYON

HETO at muling nahaharap at namururo sa paglabag sa Republic Act No. 3019 si dating Energy Regulatory Commission (ERC) Commissioner Alfredo J. Non.

Ito ay matapos magsampa ng reklamo ang isang abogado laban kay Non sa Office of the Ombudsman noong nakaraang linggo.

Ayon kay Atty. Paris Real, nagpabaya si Non sa pag-akto na gawin ang “regulatory reset process” ng Meralco at iba pang Distribution Utilities (DUs) sa bansa.

Para sa kaalaman ng lahat, si Non ay naging officer-in-charge ng ERC mula Hunyo 2015 bago naitalagang chairman noong 2017.

Batay sa reklamo ni Atty. Real, si Non ay humawak ng puwesto sa ERC bilang Oversight Commissioner at nanguna sa mga tinatawag na “public consultation”, ganoon din sa mga pagdinig kaugnay sa performance-based rate setting systems o PBRSS ng mga distribution utilities.

Nakapaloob sa reklamo ni Atty. Real ang hindi pagganap ni Non sa kanyang tungkulin na bawalan ang mga DUs sa pag-update ng mga ito sa kanilang distribution rate “sa loob ng pitong taon”.

Huwaw! Natulog pala sa pansitan ang nasabing PBRSS kung saan dapat ay magkakaroon ng panibagong kalkulasyon na batay sa kasalukuyang sitwasyon ng kalakalan ng pamumuhay at kakayahan ng bayarin ng ating mga konsyumer.

Ayon kay Real, malinaw ang kapabayaan ni Non na nagkulang umano sa pagrepaso ng ERC kung tama ang mga “adjustment” na ginagawa ng mga DU kaya nagtaasan ang halaga ng koryente na naging pahirap sa mga mga konsyumer.

Ayon pa kay Real, kung hindi pa kumilos ang Meralco na mag-refund noong 2021, hindi mababawasan at maiibsan ang paghihirap ng mga customer nito.

Paliwanag pa ni Real, kahit na nakatapos ang isang opisyal ng kanyang termino, may pananagutan pa rin ito kapag nagpabaya sa kanyang tungkulin noong naninilbihan sa gobyerno.

Ang pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay dating ERC Commissioner ay mahalagang hakbang upang mapanagot ito kung nagpabaya nga sa kanyang tungkulin.

Kaya babala ito sa mga opisyal na nanungkulan at kasalukuyang nanunungkulan sa ating gobyerno.

Huwag kayo magpakasiguro. Ayusin ninyo ang inyong serbisyo sa ating mga mamamayan.

May mga ibang tao kasi diyan na sumubok na nagbibida-bidahan na akala mo ay maganda ang nagawa nilang pamamalakad sa kanyang ahensya ng gobyerno, ‘yun pala ay may mga pagkakamali rin. Marami na tayong nasaksihan na ganitong kaso sa Ombudsman na umabot sa Sandiganbayan at napatawan ng parusang pagkabilanggo.