DATING ES ATTY. VIC RODRIGUEZ, MALAKAS ANG UGNAYAN SA MASA

Joe_take

MATAPOS ang ilang buwang pamamahinga mula sa atensiyon ng publiko, naglabas ng video kamakailan si dating Executive Secretary (ES) Atty. Vic Rodriguez sa kanyang opisyal na pahina sa Facebook.

Inumpisahan niya ang video sa isang pagbati at pagpapasalamat sa mga kaibigan niya at mga taga-suporta na patuloy aniyang nagpapadala ng mga mensahe sa naturang pahina. Sa katunayan, sa sobrang dami ng mga pumapasok na mensahe, hindi na niya ito kayang isa-isahin – isang bagay na ipinaghingi rin niya ng paumanhin sa nasabing video.

Dahil sa hindi nga masagot ang bawat mensaheng pumapasok sa kanyang Facebook page, minabuti na rin ni Atty. Vic Rodriguez na ipahayag sa kanyang mga taga-suporta na siya ay nasa mabuting kalagayan at may maayos na kalusugan. Tila totoo naman dahil napakaayos at napakaaliwalas ng itsura ni dating ES sa kanyang video. Hindi kataka-takang dinagsa ito ng mga positibong reaksiyon at mga komento. Sa kasalukuyan, halos sampung libo na ang mga netizen na nag-react dito at mukhang aabot pa sa 1,500 ang bilang ng mga komento.

Nagpaalala rin si Atty. Vic ukol sa paparating na Undas. Aniya, bagaman ito ay long weekend at marami ang excited magpahinga at magbakasyon, nawa’y hindi makalimutan ng mga tao ang tunay na dahilan sa likod ng okasyong ito.

Nawa’y magbigay ng sapat na panahon para alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na naunang yumao sa atin. Magandang pagkakataon din ang long weekend na ito upang magsama-sama ang buong pamilya at magbigay ng oras sa isa’t isa.

Kaugnay ng Undas, tiyak na magkakaroon ng mabigat na takbo ng trapiko lalo na sa mga lugar na malapit sa mga sementeryo kaya naman nagpahatid din ng paalaala si Atty. Vic para sa mga bibiyahe at uuwi sa mga probinsya na magbaon ng mahabang pasensiya at ng malamig na ulo.

Inaasahan din kasing bibigat ang takbo ng trapiko dahil bukod sa mga uuwi sa probinsya, marami rin ang mga bibiyahe para magbakasyon. Aniya, huwag paiiralin ang init ng ulo. Lubos akong sumasang-ayon sa paalalang ito ni Atty. Vic dahil napakaraming motorista ang hindi mapigilan ang pag-init ng ulo dahil sa trapiko. Kung ayaw maipit sa mabigat na trapiko, mas mainam siguro kung manatili na lang sa bahay.

Tila kapana-panabik ang mga susunod na mangyayari dahil binanggit ni Atty. Vic na aayusin lamang niya ang kanyang iskedyul at pagbibigyan niya ang mga nagpadala ng imbitasyon sa kanya mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. Nabanggit nito ang salitang reunion kaugnay ng muling pakikipagkita sa mga sumuporta sa kanilang pangangampanya noong panahon ng eleksiyon. Tiyak na marami ang natuwa at aasa sa pahayag niyang ito. Isa na rito si Binibining Maharlika, ang sikat na vlogger at tao sa likod ng Balitang Maharlika na naka-base sa US.

Sa kagalakan sa video ni Atty. Vic, naging paksa ito sa vlog ni Bb. Maharlika kamakailan. Tinalakay niya ang katapatan ni Atty. Vic kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM). Pinasinungalingan din niya ang mga batikos dito na, aniya, binayaran sila ni dating ES para mag-vlog tungkol kay PBBM. Nilinaw ni Bb. Maharlika sa nasabing vlog na wala siyang koneksiyon kay Atty. Vic. Sa katunayan, umaasa itong magkikita sila balang araw at sinabi rin niya na isang karangalan ang makapagpakuha ng litrato kasama ito.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na sadyang magulo ang mundo ng politika dahil tila tagisan ito ng kapangyarihan ng mga prominenteng mga personalidad, at pahusayan sa pagsusulong sa kanya-kanyang interes. Kaya hindi maiiwasan na mayroong mga naninira at may sinisiraan gaya ng nangyari kay Atty. Vic sa maikling panahon ng kanyang pagkakaupo bilang ES ni PBBM.

Sa kabila ng lahat ng pambabatikos at paninira kay Atty. Vic, nakabibilib na kinaya niyang magpasensiya at manahimik patungkol sa mga isyung ibinato sa kanya. Hindi siya nakipagsabayan sa mga siraan at sa mga maruruming galawan sa politika. Sa halip, nanatili itong matapat kay PBBM. Siya ay nanindigan at nanatiling tapat hindi lamang bilang kaibigan ni PBBM kundi naging matapat din sa pagsusulong sa kung ano ba ang talagang makabubuti para sa bansa. Ito rin ang ilang mga positibong punto na binigyang diin ni Bb. Maharlika sa kanyang vlog.

Anuman ang isyung kasangkutan ng isang tao, sa pagtatapos ng araw, ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng malinis na konsensya. Nawala man sa posisyon si Atty. Vic, nananatili ang respeto ng masa sa kanya dahil saksi ang mga ito sa naging kontribusyon ni Atty. Vic sa kampanya ni PBBM, at sa katapatan at kahusayang ipinamalas nito noong siya ay nasa posisyon. Hindi ako magtataka kung isang araw ay ibabalik siya at muling bibigyan ng posisyon sa administrasyon dahil kailangan natin ang isang taong matapat at mahusay gaya ni Atty. Vic Rodriguez.