HANDA mong gawin at pagtiisan anumang trabaho mahirap man o madali matupad lamang ang iyong pangarap na makapagtapos sa pag-aaral at magtagumpay sa buhay.
Ganito inilarawan ni Daphny Joy Dante ang kanyang mga pinagdaanan, pagtitiyaga para makamit lamang ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Ako ay nangarap, nagsimula lahat sa pangarap, marami na akong napagdaanan sa buhay at sinikap kong mapagtagumpayan ang lahat alang-alang sa aking kinabukasan.
Aniya, isa siya sa mga bata na hindi umano nagkaroon ng pagkakataon na ma-enjoy ang pagiging bata dahil kailangang gumising ng madaling araw upang gawin ang mga gawaing bahay.
Ayon kay Dante, mahirap lamang ang kanilang buhay kaya sa murang edad ay tinanggap na nito sa sarili na kailangan niyang kumayod bago mag-aral.
Namasukan siya bilang katulong sa kanyang tiyahin para lamang makapag-aral ng high school. Kasama sa kanyang mga naging trabaho ay ang pag-aalaga sa mga mga alagang baboy ng kanyang tiyahin. Kahit dalaga na siya, hindi niya ikinahiya ang pan-gongolekta ng mga tira-tirang pagkain sa iba’t ibang restaurant sa kanilang lugar para maipakain sa mga alagang baboy.
Binanggit din nito ang hindi magandang pagtrato sa kanya lalo na umano ng kanyang mga pinsan habang siya’y naninilbihan subalit sinabi nito na hindi siya nagtatanim ng sama ng loob at ang mahalaga ay natulungan siya para maabot ang kanyang pan-garap.
“Nakapag-aral ako nang libre sa kursong Front Office Services NC ll sa tulong ng TWSP (Training for Work Scholarship Pro-gram), na programa ng TESDA,” ayon kay Dante.
Habang nag-aaral siya sa GATI, nagsisilbi siyang student assistant.
Sinabi ni Dante na sa kanyang pag-aaral sa Grand Achievers Training Institute, nanumbalik ang kanyang tiwala at kumpiyansa sa sarili.
Nang maka-graduate at maging certificate holder ng Front Office Service NC ll, kinuha siya ng GATI bilang front desk of-ficer at marketing staff.
Aniya, bilang desk officer ng GATI at sa tulong ng mga scholarship program ng TESDA, ito ay nagbukas ng pinto sa kanya upang maging certified holder ng Trainers Methodology Level 1.
Sa kasalukuyan ay isa na siyang trainer ng kursong Front Desk Services NC ll sa nasabing institute.
Comments are closed.